Imee kay Sandro: DNA SA AKIN, HAIR FOLLICLE TEST SA INYO

SINAGOT ni Senador Imee Marcos ang pahayag ni Cong. Sandro Marcos matapos ang pasabog ng senadora kamakalawa ng gabi hinggil sa paggamit umano ng droga ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Sinabi ng kongresista na hindi asal ng isang tunay na kapatid ang ginawa ng senadora.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Sen. Imee na gustong paingayin ni Sandro ang usap-usapang hindi siya tunay na kapatid.

Kaya naman, isa lamang anya ang solusyon at ito ay ang pagpapa-DNA test niya.

Kasabay nito ay ang kanyang hamon sa kapatid at mga anak nito na magpa-hair follicle test silang lahat.

Una nang sinabi ni Sen. Imee na bukod sa Pangulo ay gumagamit na rin umano ng droga ang mga anak nito at si First Lady Liza Araneta-Marcos.

Un-Filipino — Lacson

Inilarawan naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo ‘Ping’ Lacson bilang un-Filipino o hindi kaugalian ng Pinoy ang ginawa ni Sen. Imee laban sa kapatid sa isang religious gathering.

Sinabi ni Lacson na bagama’t maaaring magkaroon ng hindi pagkakasundo ang magkakapamilya, ang kadalasang paraan ng mga Pilipino ay resolbahin ito sa loob ng tahanan at hindi ibubunyag sa daan-daang libong tao sa isang pampublikong pagtitipon.

Aminado ang senador na nawalan siya ng bilib kay Sen. Imee dahil maaari niya itong gawin sa ibang forum at hindi sa harap ng daang libong tao.

Nang tanungin kung ano ang maaaring motibo sa ginawa ni Sen. Marcos, sinabi ni Lacson na wala nang ibang motibo kundi pulitika.

Magpa-hair test na — Pulong

Panahon na para sumailalim sa hair follicle drug test si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at lahat ng opisyal ng gobyerno bilang sagot sa mga kontrobersyal na pahayag ng mismong kapatid ng Pangulo.

Reaksyon ito ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte matapos ang pahayag ng senadora sa Iglesia Ni Cristo (INC) rally sa Quirino Grandstand sa Luneta noong Lunes ng gabi. Sa naturang pagtitipon, nanawagan si Sen. Marcos laban sa katiwalian at para sa paghahanap ng katotohanan sa gitna ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

“Kung totoo ang sinasabi ni Senator Imee, then the Filipino people deserve clarity — not excuses. For years, kami ang nangunguna sa panawagan para sa hair follicle drug testing for all government officials. Hindi ito bago. Hindi ito personal,” pahayag ni Duterte.

Iginiit pa ng mambabatas na tanging sa pamamagitan ng hair follicle test magkakaroon ng kalinawan at integridad ang pamahalaan sa ilalim ng Marcos administration. Ngunit hanggang ngayon aniya ay tumatanggi ang Pangulo na sumailalim sa naturang pagsusuri.

Matatandaang una nang tinawag ng dating pangulong Rodrigo Duterte si Marcos Jr. na “bangag” sa Maisug rally sa Davao City noong Enero 2024, at hinamon itong magpa-hair follicle test.

“Kaya sa harap ng mga pahayag ng mismong kapatid niya, lalo pang lumalakas ang aming panawagan: magpa-drug test ang lahat ng opisyal ng gobyerno. Walang exempted. Walang special treatment. The Filipino people deserve honesty. Kung malinis ka, patunayan mo,” ani Rep. Duterte.

Hindi Asal ng Kapatid

“Hindi ito asal ng isang tunay na kapatid”.

Ito naman ang buwelta ni presidential son at House majority leader Sandro Marcos sa tiyahin na si Sen. Imee Marcos.

“It pains me to see how low she has gone to the point that she resort to a web of lies aimed at destabilizing this government to advance her own political ambition,” reaksyon ng mambabatas.

Sa pasabog ni Sen. Imee, kinumpirma nito na bata pa lamang sila ay alam na ng kanilang pamilya na gumagamit ng ilegal na droga ang kapatid.

Maging ang panganay ng First Couple na si Rep. Marcos ay gumagamit na rin umano ng ilegal na droga bagay na pinabulaanan ng mambabatas.

“To further repeat accusation against President Bongbong Marcos and the First Lady (and for the first time even myself) that is only false, but dangerously irresponsible. Sa lahat po ng binanggit ni Senador, walang basehan, walang katotohanan at walang magandang idudulot sa bayan,” ayon pa kay Sandro.

Kahit ang mga pinsan nito na anak ni Sen. Marcos na sina Borgy, Matthew na ngayon ay vice governor ng Ilocos Norte at Atty. Michael Marcos ay alam aniya na walang katotohanan ang mga alegasyon ng kanyang tiyahin.

Nilinaw ni Rep. Marcos na may kasunduan sila ng mga anak ni Sen. Marcos na anomang mangyari sa kanilang mga magulang ay hindi sila dapat magpaapekto.

“That is why nakakalungkot na makita na ginagawa niya (Sen. Imee) ito. For her to betray her own family brings a lot of pain to me as a consequence of my respect to her giving me my start in public life,” ayon pa kay Rep. Sandro.

Palasyo Dedma Pa Rin

Tiniyak ng Malacañang na hindi magpapadala si Pangulong Marcos Jr. sa hamon ng hair follicle test matapos ang alegasyong gumagamit umano siya ng ilegal na droga.

“Uulitin natin, ang Pangulo ay malinis, at hindi siya magpapadala sa mga maiingay, sa mga destabilizers at obstructionists,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro.

(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

45

Related posts

Leave a Comment