PINANGUNAHAN ni Senador Mark A. Villar ang Markabuhayan Job Fair 2026 na ginanap sa SM City Taytay bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.
Daan-daang aplikante ang dumalo upang tuklasin ang mga oportunidad mula sa iba’t ibang industriya, habang nagkaloob din ng welfare assistance para sa mga micro at small business owners.
Kasabay nito, nagkaroon ng LTO Caravan na nagbigay ng serbisyo sa pagproseso ng student permits at renewal ng mga lisensya.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Villar ang mahalagang papel ng mga manggagawang Pilipino sa ekonomiya.
“Ang ating mga manggagawa ang gulugod ng ating ekonomiya. Sa kanilang sipag at tiyaga, patuloy na umuusad ang ating mga industriya at lumalago ang ating mga komunidad,” ani Villar.
Aminado ang senador na may mga hamon pa sa sektor ng paggawa tulad ng job mismatch, underemployment, at unemployment, lalo na sa nagbabagong pangangailangan sa pandaigdigang merkado.
“Patuloy nating pinapahusay ang mga programang nagtutugma sa kasanayan ng manggagawa at sa tamang oportunidad upang maabot nila ang kanilang buong potensyal,” dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Villar ang layunin na makabuo ng mas globally competitive na Filipino workforce sa gitna ng pag-usbong ng digital at modern jobs.
Nanawagan din siya sa pribadong sektor na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa pamahalaan upang makalikha ng mas maraming trabaho at mapalakas ang skills training.
Sinabi pa ng senador na patuloy ang kanilang pagtatrabaho sa Senado upang matiyak ang sapat na suporta at proteksyon para sa mga manggagawa at maliliit na negosyante.
(DANNY BACOLOD)
39 