WALANG kinalaman ang isyu sa pagiging babae at mula sa Mindanao ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte (VPSD) kundi sa pananagutan sa maling paggamit sa confidential and intelligence funds (CIF) ng pangalawang pangulo.
Ito ang tinuran ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre matapos palabasin umano ni VP Duterte kaya siya in-impeach ay dahil taga-Mindanao sita at ang pagiging babae niya.
“Walang kinalaman ang regional or personal identity sa isyung ito. Ang pinag-uusapan dito ay pananagutan ng isang opisyal na tumanggap ng pondo para sa mga sensitibong operasyon, pero walang malinaw na detalye kung paano ito ginamit,” mariing pinunto ni Acidre.
Ayon sa mambabatas, kaya na-impeach si VP Duterte ay dahil hindi nito maipaliwanag kung paano ginagamit ang kanyang CIF na umaabot sa P612.5 milyon, pagbabanta nito sa buhay nina Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Binigyang-diin ni Acidre ang tungkulin ng Kamara na ipatupad ang Konstitusyon at tiyakin na ang lahat ng opisyal—anuman ang ranggo—ay may pananagutan sa kanilang ginagawa kaya walang kinalaman kung saan rehiyon galing si Duterte at dahil babae ito.
“The impeachment complaint did not materialize in a vacuum. It came after exhaustive hearings, testimonies and evidence pointing to clear irregularities,” ayon pa sa mambabatas na bahagi ng majority bloc sa Kamara.
Tila minaliit din ni Acidre ang pahayag umano ni VP Duterte na kumpiyansa ito na aabsuweltuhin ito ng Impeachment court dahil wala umano itong nagawang kasalanan lalo na sa paggamit sa kanyang CIF.
Sinabi ng mambabatas na kung talagang walang kasalanan si Duterte ay dapat nito sagutin ang mga alegasyon na inimbento lamang ang beneficiaries sa kanyang CIF subalit hindi nito ginagawa.
“You cannot claim vindication when you have yet to offer a full and truthful accounting of public funds entrusted to your office,” ayon dito.
“Public officials are stewards of taxpayer money. When questioned, the proper response is transparency, not evasion. It’s not enough to say ‘I did my job.’ She must show us how, when and where those millions were spent,” dagdag pa ni Acidre.
(PRIMITIVO MAKILING)
