(NI BERNARD TAGUINOD)
HANGGA’T hindi naparurusahan ang mga importers ng mga basura sa iba’t ibang bansa — kasama na ang kanilang mga kasabwat at pabaya sa gobyerno — magpapatuloy na maging tapunan ang ating bansa.
Ito ang dahilan kaya umapela si Misamis Oriental Rep. Juliette Uy kay Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra na bilisan ang pagsasampa ng kaso sa mga importers ng mga basura.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos magdatingan sa bansa ang mga basura mula sa Australia at China kasunod ng mga basurang galing sa Canada at South Korea.
“For this I again ask the help of the NBI and the DoJ, so that the proper criminal investigation of these importations is conducted immediately. Justice Secretary Menardo Guevarra, please include this among your urgent priorities,” ani Uy.
Sa Hunyo pa umano hahakutin ng Canada ang kanilang basura habang hindi pa 100% na naibabalik sa South Korea ang kanilang mga basura sa Pilipinas.
Para sa mambabatas, insulto sa mga Filipino ang mga basurang ito dahil ginagawang tapunan ng ibang bansa ang Pilipinas kaya dapat aniyang seryosohin na ang pagpaparusa sa mga tao o mga korporasyon na nasa likod ng mga imported na basura.
Magugunita na nagbanta ng giyera si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa Canada kapag hindi hinakot ng mga ito ang kanilang basura subalit imbes na tumigil ang importasyon ay dumating naman ang mga basura mula China at Australia.
“I also urge DENR to issue new and strict regulations, jointly with the Bureau of Customs, on the importation of any form of waste from any country in the world,” ayon pa sa mambabatas.
