INDEX CRIME SA METRO MANILA BUMABA NG 24% — PNP-NCRPO

BUMABA ng 24 porsiyento ang index crime sa Metro Manila sa pagpasok ng taong 2026, ayon sa Philippine National Police–National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO).

Ayon sa NCRPO, sa unang bahagi ng buwan ay naitala ang 32 porsiyentong pagbaba sa mga kaso ng murder, 10 porsyento sa physical injuries, at 4 porsyento sa theft o pagnanakaw.

Malaki rin ang ibinaba ng iba pang krimen, kabilang ang 67 porsiyentong pagbaba sa mga kaso ng rape, 89 porsiyento sa carnapping ng motor vehicles, at 60 porsiyento sa carnapping ng mga motorsiklo.

Idiniin ng NCRPO na kapansin-pansin ang pagbagsak ng parehong violent crimes at property-related crimes mula Enero 1 hanggang Enero 20 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Samantala, iniulat din ng NCRPO na umabot sa 518 anti-drug operations ang isinagawa sa rehiyon, na nagresulta sa pagkakaaresto ng halos 700 indibidwal at pagsamsam ng tinatayang P94 milyong halaga ng ilegal na droga.

Ang index crimes ay tumutukoy sa mga seryosong krimen na kinabibilangan ng crimes against persons gaya ng murder, homicide, physical injury at rape, gayundin ng crimes against property tulad ng robbery, theft, carnapping o carjacking, at cattle rustling. Ginagamit ang mga ito ng law enforcement agencies bilang pangunahing batayan sa pagsusuri ng crime trends at antas ng public safety sa isang lugar.

(JESSE RUIZ)

45

Related posts

Leave a Comment