UMAMIN si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla nitong Miyerkoles, Setyembre 23, na wala pang desisyon sa asylum application ni dating presidential spokesperson Harry Roque sa Netherlands.
Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na nasa “purgatoryo” ang estado ng aplikasyon ni Roque dahil hindi pa ito naaaprubahan o natatanggihan.
“Walang desisyon. Kaya hindi siya tinanggap o tinanggihan. Nasa purgatoryo siya. Sa usapin ng aplikasyon para sa asylum, nasa purgatoryo siya,” paliwanag ni Remulla.
“Kailangang makamit ang hustisya. Umaasa tayo na tatanggapin ng Netherlands ang ating petisyon na pauwiin siya,” dagdag niya.
Ang paglilinaw ni Remulla ay kasunod ng kanyang pagbawi sa nauna niyang pahayag na tinanggihan na ang asylum application ni Roque sa Netherlands.
“Nagkamali ako. Dahil ang karaniwang proseso para sa aplikasyon ay tumatagal ng anim na buwan. At siyam na buwan na ang nakalilipas mula nang mag-apply siya para sa asylum. Karaniwan, sa loob ng anim na buwan ay malalaman mo na kung ito ay tinanggihan o tinanggap. Sa kaso niya, hindi ito tinanggihan o tinanggap man,” ani Remulla.
Gayunman, tiniyak ni Remulla na patuloy at puspusang makikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Interpol para sa pagpapalabas ng “Red Notice” laban kay Roque.
Nanindigan din ang kalihim na hindi “pinag-uusig dahil sa pulitika” si Roque, kundi hinahanap ito ng mga awtoridad kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa isang kaso ng human trafficking.
Noong Mayo 2025, naglabas ang Angeles Regional Trial Court ng mga warrant of arrest laban kay Roque, negosyanteng si Cassandra Ong at 50 iba pa kaugnay ng umano’y human trafficking na may kinalaman sa Lucky South 99 POGO hub.
Nadawit si Roque sa kaso dahil sa kanyang naging papel sa pagkuha ng lisensya ng POGO at sa pamamahala ng mga legal na usapin para sa kumpanya.
Samantala, tinawag naman ni Roque na “fake news” ang pahayag ni Remulla na ibinasura ang kanyang asylum petition.
(PAOLO SANTOS)
52 