WALA umanong kahit anong dokumentong sinuri ng mga imbestigador ng gobyerno na naglalarawan sa P75 milyong donasyon ng mga negosyanteng sina Mike Defensor, Joseph Espiritu at Aristotle Viray kay Sen. Rodante Marcoleta bilang “investment,” ayon sa isang prosecution witness sa Sandiganbayan.
Sa pagdinig ng anti-graft court, sinabi ni Atty. Maria Melinda Mananghaya-Henson, director ng Luzon Field Investigation Bureau (FIB) ng Office of the Ombudsman, na ginamit lamang ng kanilang tanggapan ang naturang label batay sa paggamit ni Marcoleta ng katagang “utang na loob” sa isang YouTube interview.
Ang video ay mula sa panayam ni Marcoleta kay Net 25 anchor Nelson Lubao.
Hindi na itinuloy ng Sandiganbayan ang testimonya ni Lubao matapos sabihin ng mga abogado ng depensa na wala silang objection sa proposed stipulations ng prosecution.
Pumayag ang mga abogado ng mga co-accused sa mga stipulation sa kondisyon na kumpirmahin ng prosecution na ang YouTube link at video na tinutukoy ay eksaktong kapareho ng mga dokumento at video na na-identify at ipinakita sa korte habang tumetestigo si Mananghaya-Henson.
Kinumpirma naman ito ng prosecution.
Inamin din ni Mananghaya-Henson na may limitasyon ang pahayag ni Marcoleta dahil hindi naman nito sinabi sa video kung paano o kailan babayaran ang sinasabing “utang na loob.”
Hindi rin umano tinukoy ng senador kung sino sa kanyang mga “friends” ang nagsabing ang kanilang donasyon ay isang “utang na loob.”
Ayon pa sa witness, hindi inimbestigahan ng FIB kung may government contracts o iba pang transaksyon ang alinman sa mga donor dahil para sa bureau ay hindi na kailangan ang naturang inquiry sa kanilang imbestigasyon.
Dagdag ni Mananghaya-Henson, wala siyang alam na ibang kasunduan sa pagitan ng mga donor at ni Marcoleta bukod sa nakasaad mismo sa mga Deeds of Donation.
Tumestigo rin ang witness na si Marcoleta mismo ang nanghingi ng pondo kay Viray.
“It was accused Marcoleta who actually solicited,” ani Mananghaya-Henson sa korte.
Kinilala rin ng witness na lahat ng tatlong co-accused ni Marcoleta ay nagsabing ang kanilang mga donasyon ay para pondohan ang kanyang pagtakbo bilang senador. Nakasaad din sa Deeds of Donation na ang mga kontribusyon ay ibinigay kaugnay ng posibleng kandidatura ni Marcoleta sa 2025 elections.
Nauna nang sinabi ni Marcoleta na naging “personal funds” niya ang mga donasyon upang hindi na ito maimbestigahan ng Commission on Elections kaugnay ng posibleng election-related offenses.
Kinuwestiyon din ng Sandiganbayan ang naging konklusyon ng FIB na gagamitin umano ni Marcoleta ang kanyang posisyon upang paboran ang mga donor.
Tinanong si Mananghaya-Henson kung ang naturang konklusyon ay nakabase lamang sa probabilities o itinuturing itong absolute finding.
Nanindigan ang witness na findings ng FIB na gagamitin ni Marcoleta ang kanyang puwesto upang magbigay ng pabor sa mga donor.
Gayunman, ipinaalala ni Sandiganbayan Justice Fritz Delos Santos sa witness na hindi obligado ang korte na sundin ang conclusions o findings ng FIB kung walang dokumentong sumusuporta sa mga ito.
Binigyan ng korte ang prosecution hanggang Setyembre 30 upang magsumite ng written Formal Offer of Evidence (FOE).
May dalawang araw naman ang depensa mula sa oras na matanggap ang FOE upang magsumite ng kanilang komento. Pagkatapos nito, ituturing nang submitted for resolution ang FOE sa Oktubre 3.
Inatasan din ang magkabilang panig na sabay na magsumite ng kanilang memoranda sa pamamagitan ng email bago mag-8:30 a.m. sa Oktubre 8.
116 