ISKO KINUYOG NG MGA SENADOR

iskomoreno44

UMALMA ang ilang senador sa naging panawagan ni Manila Mayor Isko Moreno na mistulang lumalabas na walang ginagawa ang mga ito sa gitna ng COVID-19 crisis.

Ayon kay Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao, ang kanyang pagtulong ay bahagi na ng pagkilos ng buong Senado bukod pa sa marami sa kanyang mga kasama ang nagpapaabot ng tulong sa mga nangangailangan subalit hindi na ito idinadaaan pa sa media.

“Unfair din naman na sabihing walang ginagawa ang mga senador dahil marami sa amin ang tumutulong din pero di lang napa-publish. Marami tumutulong pero walang media,” saad ni Pacquiao.

Idinaan naman ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa twitter ang pagsagot sa pahayag ni Moreno.

“Yorme, kaya po namamahagi ngayon ang gobyerno ng tulong pinansyal kasama na ang lungsod ng Maynila ay dahil nagpagod at nagpuyat ang mga senador kahit may banta ng COVID-19 para ipasa ang Bayanihan Act. Iyan kasi ang mandato namin.

Mali ang paratang ninyo na wala kaming ginagawa,” diin ni Lacson. Mariin namang ipinaalala ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto na mas maituturing na tunay na dakila ang pagtulong sa kapwa na walang hinihintay na kapalit o papuri.

“Para naman dun sa ilang kababayan natin na nagyayabang at mahilig maghamon sa mga Senador at politiko na lumabas at tumulong sa kapwa, sana ay mahimasmasan kayo at magkaroon ng tamang katinuan,” giit pa ni Sotto.

Ipinaalala nito na sa Senado nanggaling ang mungkahi na magkaroon ng special session upang mabigyan ng mabilisang ayuda sa mga nangangailangan at iginiit na marami sa mga senador, naka-quarantine man o hindi, ay tahimik na tumutulong.

“Wala kaming mga media na nakabuntot sa amin 24 oras para maka-epal lang sa panahon ng COVID-19,” diin pa ni Sotto. DANG SAMSON-GARCIA

418

Related posts

Leave a Comment