NAGPAPASAKLOLO na ang pamahalaan sa mga hotel sa Metro Manila para gawing isolation facilities para sa mga pasyente na wala (asymptomatic) o mayroong mild symptoms ng COVID-19.
Tanging ang mga COVID-19 patient na may sariling kuwarto at banyo na walang kasamang senior citizen, buntis o may comorbidities ang papayagan na ma-quarantine sa kanilang bahay.
Ang anim na “We Heal As One” isolation centers, na mayroong 3,000 beds sa kabuuan ay malapit nang mapuno.
Sinabi ni coronavirus testing czar Vince Dizon na ang pamahalaan ay nagbayad sa 2,000 hotel rooms para gamitin bilang karagdagang isolation facilities, kung saan ang mga pasyente ay mayroong libreng meals at imo-monitor ng “24/7” ng lokal na awtoridad.
“Ito pong mga hotel natin sa Metro Manila—Go Hotel, Sogo Hotel, Astrotel—iyon pong mga hotel na talagang komportable na magagamit ng ating mga kababayan habang sila ay gumagaling,” ayon kay Dizon sa naging panayam kasama si Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ang mga Walk-in ay hindi papayagan sa hotel-isolation facilities at ang mga pasyente na positibo sa coronavirus test results ay dadalhin ng local government.
Ang Local governments sa Metro Manila ay nagpapatakbo rin ng sariling isolation facilies na may 10,000-bed capacity.
Si Public Works Secretary Mark Villar, tumatayong isolation czar, ang nangunguna sa pagtatayo ng mas maraming quarantine facilities.
“Habang hinihintay natin iyon, kailangan mag-isip tayo ng mga innovation kaya po itong mga hotel natin sa Metro Manila ay ginagamit na rin natin,” ayon kay Dizon. (CHRISTIAN DALE)
212 