BAGAMAT sa Oktubre pa ang pagpapalit ng liderato ng Kamara, sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na inihahanda na nila ang transition para sa pag-turn over niya ng House Speakership kay Marinduque Rep Lord Allan Velasco.
Ayon kay Cayetano, walang magbabago at tuloy pa rin ang kanilang hatian ng termino ni Velasco.
“I haven’t seen anything that will make it change. Wala naman kaming pinag-uusapang differently.
We’re just quietly working, we’re preparing for that. The House will be ready, and the members naman are resilient regardless kung sino ang speaker,” pahayag ni Cayetano.
Ang House Speakership sa ilalim ng Duterte Administration ay hinati sa pagitan nina Cayetano at Velasco kung saan 15 buwan sa una habang 21 buwan naman sa huli alinsunod na rin sa napagkasunduan.
Matatandaan na una nang inamin ni Cayetano na handa siyang ituloy ang pagiging House Speaker depende sa magiging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte subalit kung kautusan ng Pangulo na ituloy ang hatian ng termino ay kanya rin itong tatanggapin.
Sa kanyang nalalabing araw bilang leader ng Kamara, sinabi ni Cayetano na tututukan nito ang iba pang programa ng administrasyon, pangunahin na rito ang pagpasa sa 2021 national budget bago matapos ang kanyang termino sa Okubre. (ABBY MENDOZA)
190 