Opinyon ng 3 sa 4 amici curiae CONVICTION THRESHOLD ‘DI DAPAT IPAKO SA 16

HINDI awtomatikong nakapako sa 16 na boto mula sa senator-judges ang kailangan para ma-convict si Vice President Sara Duterte sa impeachment case laban sa kanya.

Ito ang magkakatugmang posisyon ng tatlo sa apat na inimbitahang amici curiae o “friends of the court” na tumalakay sa voting threshold sa impeachment case.

Sa ika-26 na araw ng impeachment trial, sinabi nina retired Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno na hindi dapat awtomatikong itakda sa 16 ang kailangang boto kung may mga senador na hindi maaaring gumanap o bumoto dahil sa legal na hadlang, pagkakakulong, suspensyon o iba pang dahilan.

Para sa tatlong dating Chief Justice, maaaring humantong sa absurd result ang paggamit sa 24 na senador bilang permanenteng basehan ng two-thirds requirement kahit may mga miyembrong hindi maaaring gampanan ang kanilang tungkulin.

Nakasaad sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution na kailangan ang pagsang-ayon ng “two-thirds of all the Members of the Senate” para sa conviction sa impeachment.

Gayunman, ayon sa mga dating Chief Justice, hindi nangangahulugan ito na sa lahat ng pagkakataon ay eksaktong 16 boto ang kailangan.

Sa memorandum na binasa ni Clerk of Court Renato Bantug Jr., sinabi ni Davide na dapat ibatay ang two-thirds sa bilang ng mga senador na kwalipikadong bumoto at hindi lamang sa kabuuang 24 na miyembro ng kasalukuyang Senado.

Kabilang sa sinabi ni Davide na hindi dapat isama sa basehan ang mga senador na nagbitiw o napatalsik; may mental infirmity; pisikal na hindi kayang gampanan ang tungkulin; nasa labas ng hurisdiksyon ng Pilipinas; nagtatago o umiiwas sa pag-aresto; at nasa ilalim ng legal restraint, preventive suspension o detention dahil sa kasong sakop ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act o Plunder Law.

Iginiit naman ni Puno na dapat gumamit ang Impeachment Court ng “contextual and functional interpretation” sa nasabing constitutional provision.

Ayon sa kanya, maaaring humantong sa hindi katanggap-tanggap na resulta ang sobrang istriktong pagbasa sa probisyon kung may mga senador na legal o pisikal na hindi kayang gampanan ang kanilang tungkulin.

Sinabi ni Puno na kung talagang eksaktong 16 boto ang itinakda ng mga gumawa ng Konstitusyon sa lahat ng pagkakataon, maaari sanang direkta nilang isinulat ang numerong 16 sa halip na “two-thirds of all the Members of the Senate.”

Dagdag niya, maaaring magbago ang kailangang bilang ng boto depende sa mga sitwasyong nakaaapekto sa bilang ng mga senador na maaaring gumanap ng kanilang tungkulin.

Nagbabala rin si Panganiban laban sa awtomatikong pagsama sa denominator ng mga senador na hindi naman makalahok sa proceedings.

Binigyang-diin niya na dapat isaalang-alang sa pagbasa sa Konstitusyon ang pagiging patas hindi lamang sa opisyal na nililitis kundi maging sa buong sambayanan.

Hindi aniya dapat gawing simpleng classroom arithmetic ang constitutional requirement habang binabalewala ang aktuwal na sitwasyong kinakaharap ng Impeachment Court.

“Ang mathematics, Your Honors, ay exact science kung abstract lang ang pag-uusapan. Pero hindi ito palaging ganoon sa realidad. May pagkakaiba ang abstraction at reality,” ani Panganiban.

Binigyang-diin din ni Puno na hindi dapat nakasentro lamang sa numero ang interpretasyon sa Konstitusyon, kundi dapat ding tingnan ang layunin ng probisyon at ang aktuwal na sitwasyong pinaggagamitan nito.

Sa kabuuan, para kina Davide, Panganiban at Puno, hindi awtomatikong 16 ang kailangang boto para sa conviction sa lahat ng pagkakataon. Dapat anilang isaalang-alang sa pagkuwenta ng two-thirds requirement kung sinu-sinong senador ang aktwal at legal na kwalipikadong bumoto.

Gayunman, iba ang pananaw ni dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna, isa sa mga bumalangkas ng 1987 Constitution. Aniya, ang kinakailangang dalawang-katlong pagsang-ayon ay dapat ibatay sa kabuuang bilang ng mga miyembro ng Senado, kaya kinakailangan ang boto ng 16 na senador-hukom upang magkaroon ng conviction.

(DANG SAMSON-GARCIA)

69

Related posts

Leave a Comment