HINDI lang pag-iibigan kundi maging ang kulturang Pilipino at diwa ng bayanihan ang tampok sa kasal nina FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe at Department of Justice Undersecretary Margarita “Marge” Gutierrez noong Setyembre 8.
Mula sa wedding giveaways hanggang sa pagkain, siniguro ng bagong kasal na may kuwento at kabuluhan ang bawat detalye ng kanilang espesyal na araw.
Isa sa mga tampok na souvenir ng kasal ang handcrafted sundial na likha ni Prof. Toym Imao, Dean ng UP College of Fine Arts. Ang disenyo nito ay hango sa apat na sektor na tinulungan nina Brian at Marge bilang bahagi ng kanilang wedding gift-giving—mga magsasaka, mangingisda, transport workers at kabataan.
Kasama rin sa wedding keepsake ang mga liham at mensahe mula sa mga benepisyaryo, kaya hindi lamang simpleng souvenir ang naiuwi ng mga bisita kundi maging ang kanilang mga kuwento.
Pinoy na Pinoy din ang bayong na ipinamahagi sa mga bisita. Ang mga ito ay handcrafted ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Correctional Institution for Women, bilang pagkilala sa kanilang talento, kabuhayan at pagkakataong makapagsimulang muli.
Nagkaroon din ng mini palengke sa kasal kung saan maaaring mamili ang mga bisita ng sariwang gulay na direktang binili mula sa mga Pilipinong magsasaka. Ang bayong ang ginamit na lalagyan ng mga ito.
Hindi rin nawala ang paboritong street food ng mga Pinoy, sa pamamagitan ng isang tusok-tusok booth na nagdagdag sa masaya at nostalgic na karanasan ng mga bisita.
Sa halip na puro dekorasyon at engrandeng detalye, pinili nina Brian at Marge na gawing bahagi ng kanilang kasal ang mga Pilipinong komunidad, sining at kabuhayan.
Kaya sa kanilang espesyal na araw, hindi lamang “I do” ang kanilang ibinahagi kundi maging ang diwa ng bayanihan.
98 