NANINIWALA si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na ang tunay na tagumpay ng dokumentaryong “Food Delivery: Fresh From the West Philippine Sea” ay hindi nasusukat sa dami ng manonood kundi sa naging epekto nito sa damdamin at kamalayan ng kabataan.
Sa block screening ng dokumentaryo, inilarawan ni Goitia ang matinding emosyon ng mga kabataang nakapanood—galit, pagkadismaya, at pagkabahala—na kalaunan ay nauwi sa paninindigan at tapang na lumaban para sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.
“Hindi lang sila galit, handa na sila. Ayaw na nilang manatiling tahimik. Alam nila na ang laban na ito ay hindi lang tungkol sa teritoryo, kundi tungkol sa katarungan,” ani Goitia.
Makikita raw sa kanilang mga tanong at pahayag ang pagbabago: “Anong ginagawa natin tungkol dito?” at “Bakit hinahayaan nating inaagawan tayo?”—mga tanong na nagpapakita ng pagkagising ng bagong henerasyon na dati’y madalas iniuugnay sa apatiya.
Para kay Goitia, ang dokumentaryo ay nagsilbing salamin ng tunay na kalagayan: ang panggigipit sa karagatan, ang hirap ng mga mangingisdang Pilipino, at ang paulit-ulit na paglabag sa soberanya ng bansa. Ngunit higit pa roon, aniya, ito ang naging mitsa ng masidhing pagkilos ng kabataan.
“Nasasaksihan natin ang pag-usbong ng bagong kabanata. Ang nakikita natin ngayon ay isang henerasyong hindi na natatakot magsalita, hindi na nagpapaloko, at handang ipagtanggol ang dangal ng bayan,” dagdag pa ng opisyal.
Naisakatuparan ang block screening sa tulong ng iba’t ibang makabayang organisasyon at lider, kabilang si Chairman Herbert Martinez ng Blessed Movement at iba pang co-sponsors na nagkakaisa para sa adbokasiya.
Sa huli, iniwan ni Goitia ang isang hamon sa sambayanan:
“Hindi lang ito tungkol sa dagat. Ito ay tungkol sa ating pagkatao bilang Pilipino. At ngayong gising na ang kabataan, nananawagan ako sa bawat Pilipino na bumangon kasama nila. Ang laban para sa West Philippine Sea ay hindi bukas magsisimula. Pananagutan natin ito ngayon.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
(JULIET PACOT)
107 