ISA-ISA nang nawawala sa komunikasyon ang mga kaanak at pamilya ng mga missing sabungeros na nagsampa ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) laban kay gambling tycoon Charlie “Atong” Ang at iba pang respondents.
Ito ang kinumpirma ni DOJ Prosecutor General Anthony Fadullon, na nagsabing hindi na makausap ng mga prosecutor ng DOJ ang karamihan sa mga pamilyang dati nang pursigidong ituloy ang mga kaso kaugnay sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Napansin namin na unti-unti nawawala na yung complainants at totally hindi na nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa amin,” ani Fadullon.
Mahalaga umano ang mga pamilya sa mga kaso dahil maaari silang tumestigo tungkol sa sinapit ng kanilang mga kaanak at sa epekto ng pagkawala ng mga ito.
Sa kaso sa Santa Cruz, tatlong complainant ang naiharap, ngunit dalawa sa kanila ang hindi na makontak matapos maiprisinta.
“After they were presented, two of them disappeared already. We could not get in touch with them,” dagdag ni Fadullon.
Hindi na rin umano nakikipag-ugnayan ang mga pamilya sa mga kasong isinampa sa Lipa at San Pablo, kahit may mga pribadong abogado silang kumakatawan sa kanila.
Nang tanungin kung ano ang dahilan ng pagkawala ng komunikasyon, sinabi ni Fadullon na ayaw niyang magbigay ng haka-haka. Gayunman, hindi niya inalis ang posibilidad na may mga pamilyang nakipag-areglo na.
“I don’t want to speculate on possible causes. Syempre, hearing from the very first case that was filed, yung involving the Manila area, yung mga pamilya nawala rin. News got to us na naareglo,” ani Fadullon.
“I can only surmise that the possibility is the same thing is being done. Kasi nga naman, kung titignan mo anong klaseng laban ang kinakaharap mo, kahit manalo ka wala pa rin ang kamag-anak mo. Wala na sila. Patay na sila. Maybe some of them settle so they can move on,” dagdag niya.
Si Maria Carmelita Lasco, ina ng nawawalang si Ricardo “Jon” Lasco, na lamang umano ang naiharap na complainant sa mga kasong hawak ng DOJ.
Gayunman, maaari pa ring magpatuloy ang mga kaso dahil hiwalay ang criminal aspect sa usapin ng danyos.
“Can the case proceed? Yes, because we have the criminal aspect. That is what the prosecution is more concerned with,” dagdag ng opisyal.
(JULIET PACOT)
47 