Kasama nakatakas TANOD TIMBOG SA EXTORTION

BATANGAS – Nadakip ang isang barangay tanod habang nakatakas ang isa pa sa entrapment operation dahil sa pangingikil sa isang CPA matapos na kumpiskahin ang PRC ID nito makaraang mahuling nakikipaghalikan sa kanyang kasintahan sa loob ng kotse sa Lourdes Road, Barangay Bolbok, Batangas City noong gabi ng Mayo 16, 2021.

Nagsumbong sa mga awtoridad ang biktimang si Paul Benson Dijan y Acosta, 26, CPA, ng Brgy. Sorosoro Karsada, Batangas City, sa Batangas City Police noong Mayo 17, bandang alas-6:00 ng gabi laban sa mga barangay tanod na sina Ronnel Balita y Enriquez, 33, at Erlando De Torres, ng Brgy. Sta. Rita Karsada, Batangas City.

Sa salaysay ni Dijan, kinikilan siya ng dalawang tanod ng halagang P30,000 kapalit ang pagsasauli ng kanyang PRC ID na kinumpiska ng mga suspek dahil nahuli silang naghahalikan ng kanyang kasintahan sa loob ng kotse.

Nagbanta pa umano ang mga ito na ipakakalat sa social media ang kanilang larawan.

Agad nagsagawa ng entrapment operation ang Batangas CPS kinabukasan, na pinangunahan nina P/EMS. Edsel Dela Cruz, P/SSgt. Lowie Enriquez at P/Cpl. Brien Alcantara, sa isang gasoline station sa Brgy. Sta. Rita Karsada kung saan nasakote si Balita habang si De Torres ay mabilis namang nakatakbo.

Sinampahan ng robbery extortion si Balita habang pinaghahanap ng mga awtoridad ang tumakas na si De Torres. (CYRILL QUILO)

200

Related posts

Leave a Comment