Tricycle binundol ng Toyota Hi-Ace DRIVER, 3 PASAHERO TUMILAPON

CAVITE – Sugatan ang tatlong kababaihan at ang driver ng tricycle nang tumilapon ang mga ito makaraang banggain ang kanilang sasakyan ng isang Toyota Hi-Ace sa bayan ng Magallanes sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.

Nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga biktimang sina Marilyn Linantod, nasa hustong edad; Myleen at Kathy, kapwa menor de edad, at ang driver ng tricycle na si Angelito Custodio dahil sa mga sugat sa katawan.

Kinilala naman ang driver ng puting Toyota Hi-Ace na may plakang NBN-5161, na si Redellbert Ramos, 31, ng Brgy. Poblacion 1, Magallanes, Cavite.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Amando Perez ng Magallanes Police, dakong alas-8:45 ng gabi noong Lunes nang mangyari ang insidente.

Minamaneho ni Custodio ang kanyang tricycle at sakay ang tatlong kababaihan habang binabagtas ang National Road sakop ng Brgy. Kabulusan, patungo sa Magallanes town proper, nang banggain sila sa likuran ng minamanehong Hi-Ace ni Ramos.

Bunsod nito, tumilapon ang mga biktima dahilan ng kanilang pinsala sa katawan. (SIGFRED ADSUARA)

137

Related posts

Leave a Comment