PINATUNAYAN ng overseas Filipino worker at Digital Nomad na si Kach Medina Umandap ang kakayahan ng Pinoy worker na malibot ang buong mundo gamit lamang ang kanyang Philippine Passport.
Ayon kay Kach, hindi naging madali para sa kanya ang ginawang paglibot sa 195 UN Countries lalo pa’t naipit siya noong kasagsagan ng pandemya.
Ngunit sa kabila nito ay gumawa siya ng paraan at ipinagpatuloy ang kanyang pangarap.
Noong 2013 nang magtrabaho si Kach bilang QA supervisor sa isang Kuwaiti hospital ngunit kalaunan taong 2014 ay umalis din ito para simulang malibot ang buong mundo.
Sa pagsisikap at tulong ng sariling kompanya ni Kach Medina Umandap na TravelwithKach.com at Filipinopassport.com ay napadali ang pagproseso niya ng kanyang visa para pasukin at mapuntahan ang iba’t ibang bansa.
Nakakuha rin si Kach ng suporta sa kanyang ama na si Dr. Chie Umandap na dati ring OFW at kasalukuyang Chairman ng 116 AKO-OFW Partylist at naging inspirasyon niya sa pagtupad ng kanyang pangarap.
Nitong Martes, Enero 14, 2025 ay pormal nang nakabalik si Kach Medina Umandap dito sa Manila para sa iba pang mga aktibidad na kanyang gagawin kabilang na ang motorcade sa San Pablo, Laguna sa darating na Enero 17.
Samantala, kinumpirma rin ng Nomad Mania na isa si Kach Medina Umandap sa 500 tao na nakalibot na sa buong mundo. (DANNY BACOLOD)
