Kawalan ng bidding sa P8.510-B NCC sports facilities, ilegal DEPENSA NG BCDA ‘DI TANGGAP NG COA

HINDI naniwala ang Commission on Audit (COA) sa paliwanag ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) tungkol sa ipinagawa nitong sports facilities sa Malaysian company na MTD Capital Berhad na pinagdausan ng Ika-30 SEA Games nitong 2019.

Ipinaliwanag ng BCDA sa COA auditors na ang New Clark City (NCC) sports facilities ay bahagi ng kanilang Master Development Plant (MPD) na aprubado ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Binanggit din sa COA 2019 Report ang rason ng BCDA sa state auditors na sa simula pa lang ng plano ay bahagi ng phase 3 ng NCC ang sports facilities na gagawin ng BCDA katuwang ang isang pribadong kumpanya para sana sa 2021 alinsunod sa MPD na inaprubahan ng NEDA.

Pero, binanggit ng BCDA na ang NCC sports facilities ay nakalaan sa 2023 SEA Games na idaraos sa Pilipinas batay sa plano.

Ngunit, nabago ito nang biglang naitakda na gaganapin ang Ika-30 SEA Games sa Pilipinas noong 2019.

“The untimely hosting by the Philippines of the 2019 SEA Games necessitated that BCDA explore all legal modes of developing the facilities that will pass the rigorous certifications and requirements in time for the 2019 SEA Games,” bahagi ng pahayag ng BCDA sa COA.

Ang mga nasabing pahayag ng BCDA ay depensa nito sa nadiskubre ng COA na ‘nakalamang’ ang MTD Capital Berhad sa kontrata.

“[MTD Capital Berhad] did not have any undue advantage because the proposal still underwent both the required rigorous negotiation process, as can be seen in the dramatic reduction in the project cost and, equally important, the required Swiss Challenge or Competitive Challenge,” paninindigan ng BCDA.

Hindi kumbinsido at hindi naniwala ang COA dahil pumabor sa MTD Capital Berhad ang P8.510 bilyong kontrata nila ng BCDA.

Tinumbok sa COA na walang naganap na “Swiss challenge, o competitive challenge” nang makuha ng MTD Capital Berhad ang bilyun-bilyong presyo sa pagpapagawa ng NCC sports facilities dahil walang naganap na bidding.

Ang ginawa ng BCDA ay nakipagnegosasyon ito sa MTD Capital Berhad hanggang magkasundo ang dalawa na gawing “joint venture” ang proyekto.

Iginiit din ng COA na dapat nagpa-bidding ang BCDA upang maraming lumahok na mga kumpanya sa pagpapagawa ng NCC sports facilities dahil sinabi ng BCDA na “solicited proposal” nito ang nabanggit na pasilidad.

Ang prosesong bidding, o subasta, ay hindi utos ng COA, kundi nakasaad sa Republic Act No. 9184, o Government Procurement Reform Act), o R. A. 6957 na inamiyendahan ng R.A. 7718.

Kaso, ayon sa parehong ulat ng COA, naging “unsolicited proposal” ang pasilidad ng NCC, matindinng rason ng BCDA upang hindi ito maglunsad ng subasta.

Batay sa orihinal na presyo ng BCDA na “P121.785 bilyon” kasama ang lupa ng BCDA na “100 percent premium” ang halaga ay bumaba ito sa P8.510 bilyon.

Nadiskubre pa rin ng COA auditors na walang P8.510 bilyon ang MTD Capital Berhad.

Gayunpaman, pumayag ang BCDA na matuloy pa rin ang MTD Capital Berhad sa nasabing proyekto dahil pinautang ito ng Deveopment Bank of the Philippines (DBP).

Sa kabila nito, ipinagtanggol ng noo’y Speaker Alan Peter Cayetano ang BCDA na pinamumunuan ni Vivencio “Vince” Dizon.

Si Cayetano na pangulo ng Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) noon at speaker ng Kamara de Representantes ay lantarang humiling sa media na tapusin muna ang Ika-30 SEA Games bago batikusin ang BCDA at PHISGOC. (NELSON S. BADILLA)

 

226

Related posts

Leave a Comment