OFW NA TAPOS NA ANG KONTRATA SA JEDDAH, TILA HOSTAGE NG KANIYANG AMO DAHIL AYAW PAUWIIN SA PINAS

BUKOD sa mga liham mula sa mga OFW at kanilang pamilya, nakakatanggap din ako ng liham kahilingan mula sa mga volunteer advocacy groups at mga religious institution. Kabilang na rito ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) Epsicopal Commission of Migrants and Intinerants (EMI) sa pamamagitan ng Executive Secretary na si Fr. Resty Ogsimer.

Sa aking column ngayon ay muli natin bibigyang puwang ang paghingi ng saklolo ni OFW Benedicta Cadiao na ang pamilya ay dumulog sa CBCP-ECMI na ipinarating sa akin ni Brother Edmund Ruga.

Si Kabayani Benedicta Cadiao ay mula pa sa Batangas City at nagtungo sa Jizzan, Jeddah, Saudi Arabia upang subukin ang kapalaran bilang isang OFW.

Dumating sya sa nasabing bansa noong May 21, 2016 sa pamamagitan ng Excel Manpower Agency at ang kanyang Saudi recruitment agency ay ang Ahmad Mohammad Bangat.

Ang suliranin na idinudulog ni OFW Cadiao ay may kinalaman sa matagal ng tapos na kontrata na kanyang pinirmahan. Ang dapat na 2 taon kontrata ay umabot na sa mahigit apat na taon at hanggang ngayon ay ayaw pa rin payagan ng kanyang employer na makauwi na sa Pilipinas.

Bukod sa hindi pagpayag na sya ay makauwi sa Pilipinas, ay hindi rin siya binabayaran ng kanyang kaukulang buwanang sweldo bagay na nakakaaapekto para sa pangangailangan ng kanyang pamilya.

Maraming beses nang nagtangkang kausapin ni OFW Cadiao ang kanyang employer na lalaki upang maki-usap na sya ay pauwiin na sa Pilipinas, ngunit ito ay pinipigilan ng kanyang among babae at may pagkakataon pa nga na siya ay itinulak upang hindi makalapit sa kanyang among lalaki.

Dahil dito, noong siya ay makakuha ng pagkakataon na makagamit ng telepono ng kanyang employer ay agad nitong tinawagan ang kanyang anak upang ipaalam ang kanyang sitwasyon at para ito ay makatawag sa Philippine Embassy o sa DFA.

Ngunit mistulang “spy” ang among babae na mabilis na nabuking na si OFW Cadiao ay tumawag sa kanyang pamilya, kaya simula noong Oktubre 6, 2020 ay hindi na ito pinayagan makagamit ng telepono at hanggang sa kasalukuyan ay hindi na rin nakakatawag sa kanyang pamilya.

Kung kaya ang kanyang mga anak ay labis na nag-aalala sa kanyang kaligtasan lalo pa nga at nagsabi si OFW Cadiao sa kanyang pamilya na sya ay pinagbantaan ng kanyang amo na may masamang mangyayari sa kanya kung ito ay magpupumilit na umuwi sa Pilipinas.

Bukod pa sa pagbabanta ng pananakit, ay sinabihan din siya na sakaling ito ay magsusumbong sa pulisya ay tinitiyak diumano ng kanyang employer na babaligtarin nila ang kaso at siya ay kakasuhan upang maipakulong.

Bagaman nauunawaan ko ang sitwasyon ng mga kinatawan ng ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) – Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kung saan apat sa mga kawani nito ay kasalukuyang nagpositibo sa COVID-19 pandemic kabilang si OWWA Welfare Officer Yolanda Penaranda, ngunit ang CBCP-ECMI at ang AKOOFW ay nakiki-usap kay Labor Attache Nasser Munder na kung maari ay ipag-utos na sa iba niyang tauhan na saklolohan na mai-alis sa kanyang employer si OFW Cadiao at siguruhin ang kanyang kaligtasan.

Gayundin ang aking paki-usap sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na ipatawag at alamin ang posibleng pananagutan ng ahensya na Excel Manpower sa pagkukulang nito na gampanan ang nakapaloob sa kontrata na dapat pabalikin sa pinagmulan nito ang kanyang deployed na worker matapos ang kontrata.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

169

Related posts

Leave a Comment