MAAGANG sinuspinde ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang face-to-face classes sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod sa Nobyembre 17 at 18, bilang paghahanda sa inaasahang malaking rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, Luneta.
Batay sa kautusan ni Yorme Isko, lahat ng paaralan sa Maynila ay dapat mag-shift sa Alternative Delivery Mode (ADM) o online learning sa loob ng dalawang araw ng suspensyon.
Ayon sa alkalde, magbibigay ang pamahalaang lungsod ng perimeter support na kinabibilangan ng traffic management, parking assistance, police deployment, at medical teams upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa paligid ng Rizal Park.
“While we know that the INC is very organized whenever it holds a rally, the City Government of Manila will deploy teams to monitor and provide assistance outside Rizal Park,” ayon kay Domagoso.
Dagdag pa niya, magtatalaga ng 14 na ambulansya sa mga pangunahing lugar sa paligid ng Luneta para sa agarang tugon sa anumang emergency.
Pinakilos din ni Mayor Isko ang Department of Public Services (DPS) upang mapanatili ang kalinisan sa paligid, lalo na sa mga lugar na inaasahang dagsain ng mga ambulant vendors.
Gayunman, tiwala siyang iiwan ng INC ang lugar na malinis, gaya ng kanilang nakagawian.
Bukod dito, magde-deploy din ang Manila Police District (MPD) ng karagdagang tauhan para sa seguridad, habang ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) naman ay magtatalaga ng mga traffic enforcer upang tiyakin ang maayos na daloy ng trapiko sa paligid ng Rizal Park.
(JOCELYN DOMENDEN)
91
