TINIYAK nina Surigao del Norte 1st District Representative Francisco “Lalo” Matugas at dating kinatawan Francisco “Bingo” Matugas II ang kanilang kahandaang makipagtulungan sa Office of the Ombudsman kaugnay ng mga alegasyong iniuugnay sa Mahayhay-Tuburan Road project sa Del Carmen, Surigao del Norte.
Ayon sa mag-ama, iginagalang nila ang mandato ng Ombudsman na imbestigahan ang mga alegasyon laban sa mga pampublikong opisyal at handa silang sagutin ang mga isyung ibinabato sa kanila.
Iginiit nina Matugas na dapat suriin ang mga alegasyon batay sa buong rekord ng proyekto at hindi lamang sa mga pahayag o impormasyong lumabas sa publiko.
Kabilang dito, anila, ang mga dokumento at ebidensya kaugnay ng proyekto, gayundin ang mga transaksyong iniuugnay rito.
Sinabi ng mag-ama na mahalaga ang preliminary investigation upang marinig ang kanilang panig, masuri ang mga dokumento at ebidensya, at mabigyan sila ng pagkakataong sagutin ang mga isyung ibinabato laban sa kanila.
“Hayaan nating gampanan ng Ombudsman ang tungkulin nito. Buo ang aming tiwala sa Ombudsman at handa kaming sagutin ang mga alegasyon at ilatag ang aming panig,” saad nila.
Ayon pa kina Matugas, nais nilang maiharap sa tamang forum ang kanilang panig at ang mga dokumento at ebidensyang makatutulong upang maging malinaw ang buong konteksto ng mga alegasyon.
“Hahayaang magsalita ang mga dokumento at ebidensya sa tamang panahon,” dagdag ng mag-ama. (TM)
134 