PUNA ni JOEL O. AMONGO
Na-PUNA ng sambayanang Pilipino na sa dinami-rami ng mga problemang kinahaharap ngayon ng Pilipinas, ay wala man lang bumabatikos sa mga elected official natin.
Ang mas pinag-uukulan ng pansin ng ating mga inihalal ngayon ay ang pamumulitika na hindi makakain ng mga Pilipino.
Imbes na asikasuhin nila ang hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, produktong petrolyo, serbisyo at iba pang bayarin, ay puro pansariling interes ang kanilang binibigyan ng pansin.
Sa katunayan, sa isinagawang Kamuning Bakery Forum kamakalawa, Nobyembre 19, 2024, ay napag-usapan ang totoong sitwasyon ngayon sa ating bansa.
Isa sa naging mga panauhing pandangal ay si former Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na pangunahing pumu-PUNA sa tunay na nangyayari sa atin.
Hinikayat ni Atty. Rodriguez ang sambayanang Pilipino na sabay-sabay nating bantayan ang taunang budget ng gobyerno, kailangang malaman natin na nagagamit nang tama ang malaking pondo na ito.
Kinuwestiyon din ni Atty. Rodriguez kung saan napunta ang bilyun-bilyong pisong pondo ng 5,500 flood control projects ng gobyerno.
Nitong nakaraang linggo, sunud-sunod ang malalakas na mga bagyo (Super Typhoon Kristine (TRAMI), Super Typhoon Leon (Kong-Rey), Typhoon Marce (Yinxing), Typhoon Nika (Toraji), Typhoon Ofel (Usagi) at ang pinakahuli ay Typhoon Pepito na nanalasa sa Pilipinas, nasa dalawang daang (200) katao ang nagbuwis ng kanilang buhay.
Kung totoo ang ipinagmamalaki ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., na may 5,500 flood control projects, bakit binabaha pa rin ang ilang mga lugar sa bansa? Lalo na ang Metro Manila.
Anyare sa 5,500 flood control projects? Bakit hindi maituro ng gobyerno kung nasaan ang mga ito?
Kung hindi masasagot ng gobyerno ang katanungang ito, ibig sabihin ay totoo na may nangyayaring korupsyon.
Hindi maikakaila na may nangyayaring korupsyon dahil sa mga pagbaha tuwing may malakas na ulan.
Buti na lang mayroong isang Atty. Vic Rodriguez na hindi pumapayag na may nakikitang naaaping Pilipino.
Si Atty. Rodriguez ang tumatayong tunay na oposisyon ngayon na hanggang sa pag-akyat niya sa Senado, ay tinitiyak niyang ipagtatanggol ang kapakanan ng mga Pilipino.
Isusulong ni Atty. Rodriguez ang pagkakaroon ng transparency sa mga proyekto ng pamahalaan para hindi malustay nang basta-basta ang pera ng bayan.
Ayon pa kay Atty. Rodriguez, ang ordinaryong mga manggagawa ay agad na kinakaltasan ng withholding tax, tapos pagdating sa gobyerno ay malulustay na lang nang hindi tama ang pera, hindi siya papayag.
Kung tutuusin aniya, kung nagagamit sa tama ang pondo ng gobyerno, hindi maghihirap ang Pilipinas.
Napag-usapan din sa Kamuning Bakery Forum na kasama sa mga panauhing pandangal si dating Senador Nikki Coseteng, ang overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon sa napag-usapan, hindi tama na ang mga Pilipino ang ipinadadala sa iba’t ibang bansa, dapat ang ating ini-export ay ang mga produktong Pinoy.
Baliktarin natin, ayon pa kina Atty. Rodriguez at Coseteng, ang ating produkto ang dapat ipadala sa ibang bansa, tapos ang mga kababayan natin ang gagawa ng mga produktong Pinoy.
Kaya hindi nangyayari ang mga ito dahil napupunta sa korupsyon ang pondo ng pamahalaan.
Kaya panahon na ngayon na piliin natin ang mga kandidato na ipagtatanggol ang kapakanan ng mga Pilipino, hindi ‘yung para sa kanilang mga interes lamang.
90