BUKOD sa kontrobersyal na si ‘Poblacion Girl’, isa pa umanong Pinay na biyahero na nagmula rin sa Amerika ang nagpasaway sa itinakdang quarantine period.
Sa impormasyong ibinahagi ni Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat, sinabi nitong isang Pinay ang hindi na dumaan sa quarantine sa halip ay dumiretso sa kanyang condo pagkagaling sa US at nagawa pang magpamasahe.
Natukoy na ang pagkakakilanlan ng naturang balikbayan ngunit hindi pa ito isinasapubliko.
“Nagpamasahe pa as in she was even posting it on Instagram stories. Very proud ha na she was skipping quarantine and her name was given and the person who knows her even gave a sworn affidavit. Nahuli na rin ‘yung tao na ‘yon,” sabi pa ng kalihim.
Ipinaubaya na ni Romulo-Puyat sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Bureau of Quarantine ang kaso ng nasabing balikbayan.
Kaugnay nito, inihayag ng Malakanyang na papatawan ng kaparusahan ang mga quarantine violator.
Pahayag ito ng Malakanyang kaugnay ng paglaktaw sa quarantine period ng tinagurian si ‘Poblacion Girl’ o Gwyneth Chua para lamang makadalo sa isang party.
Si Chua ay dumating sa Pilipinas noong Disyembre 22 at napaulat na dumalo sa isang party noong Disyembre 23, ayon sa DILG.
Isinailalim ito sa COVID-19 test at nagpositibo sa COVID-19 noong Disyembre 27.
Nananatili umanong nasa isolation si Chua, ayon kay acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.
“Because of what happened number 1 we will ensure that whatever applicable laws will be enforced and whoever can be prosecuted we will prosecute,” ayon kay Nograles.
“And it’s not just civil cases to be filed but talagang criminal charges will be filed against those responsible, whether it’s the violator or the establishment. We will do what is necessary to serve as an example to all,” anito.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine National Police hinggil sa kaso ni Chua.
“There are already admissions I think by the lady herself and even by the hotel. Evidence gathering na ‘yan and then sasampahan na ‘yan ng kaso,” aniya pa rin.
“Ayokong pangunahan so hayaan muna natin ang evidence gathering ng ating mga kapulisan at CIDG (PNP-Criminal Investigation and Detection Group),” ayon kay Nograles.
Iyon aniyang mga mapatutunayang lumabag sa COVID-19 health protocols ay maparurusahan sa ilalim ng Republic Act 11332, o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.”
Sa ilalim ng batas, ang mga mapatutunayang lumabag sa COVID-19 health protocols ay pagmumultahin ng P50,000, o mahaharap sa pagkakulong ng hanggang anim na buwan.
“It would be up to the judge whether the quarantine violator would face a fine or imprisonment,” ayon kay Nograles. (CHRISTIAN DALE)
567 