Habang Alert Level 3 sa NCR ‘DI BAKUNADO BAWAL MULING LUMABAS

SA gitna ng panibagong bugso ng mga kaso ng positibo sa COVID-19 sa Metro Manila, ipinag-utos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pananatili sa bahay ng mga residenteng hindi pa bakunado.

Sa isang pahayag ni MMDA chairman Benhur Abalos, ibayong ingat ang ipinaabot sa publiko kasabay ng babala kaugnay ng mabilis na pagdami ng mga tinatamaan ng higit na nakahahawang COVID-19 Omicron variant.

Gayundin ang direktibang ipinalabas sa lungsod ng Maynila. Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, hindi muna pahihintulutan pumasok sa mga pampublikong establisimyento ang mga hindi pa bakunado – bata man o matanda.

Inabisuhan na rin aniya ang mga mall managers kaugnay ng hakbang ng pamahalaang lungsod na nagtakda ng mga panuntunan, kabilang ang pagpiprisinta ng mga vaccination card sa pagpasok sa mga malls at iba pang lugar na karaniwang tinutungo ng mamamayan.

Gayunpaman, hindi sapat na pagpigil ng hawaan para sa isang militanteng kongresista ang polisiyang “no vax, no labas” na ipinatutupad ng MMDA sa National Capital Region (NCR).

Giit ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, mas mainam kung sasabayan ng mass testing ang mga paghihigpit sa Metro Manila para mabatid ang tunay na sitwasyong kinahaharap sa gitna ng panibagong bugso ng mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga bakunado.

“Vaccinated individuals can be carriers of the virus and can still test positive for COVID-19. Kaya hindi sapat itong ‘No Vax, No Labas’ policy na ipapatupad sa NCR,” aniya, kasabay ng pahayag ng agam-agam sa Metro Manila na unang iniulat na syento-por-syentong bakunado.

Panawagan ni Brosas, malawakang COVID-19 testing na pangangasiwaan ng mga lungsod sa nasabing rehiyon sa hangaring matukoy ang mga bakunadong positibo.

“Matagal na nating ipinapanawagan ang libreng mass testing pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito popondohan kahit sa 2022 national budget. Uulit lang nang uulit ang COVID-19 surge kung bulag tayo sa aspetong ito,” ani Brosas.

Bukod sa mass testing, dapat din aniyang paigtingin ang contact tracing para sa agarang isolation ng mga close contact ng mga nagpositibo.

Samantala, inatasan din ni Moreno ang Manila Barangay Bureau (MBB) at Manila Police District (MPD) para sa mahigpit na pagpapatupad ng curfew hours sa mga menor de edad sa lungsod – simula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Kanselado na rin muna aniya ang lahat ng face-to-face classes sa lungsod simula kahapon habang tuloy naman ang online classes.

Balik 30% capacity na rin ang mga tanggapan sa loob ng Manila City Hall, maliban sa MDSW, MDRRMO, MHD at Business Permit Office.

Paglilinaw ni Moreno, hindi pa muna bubuksan ang pinananabikang Manila Zoo hangga’t hindi pa buo ang website kung saan maaaring magparehistro ang mga nais bumisita upang matiyak na hindi dadagsa ang mga tao.

Nauna rito, isinailalim sa Alert Level 3 ang Kalakhang Maynila simula Enero 3 hanggang 15 bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa ilalim ng Alert Level 3, papayagan ang ilang establisimyento na mag-operate ng hanggang 30% indoor venue capacity para sa fully vaccinated individuals.

Hanggang 50% naman sa outdoor venue capacity, pero kailangan na fully vaccinated ang mga empleyado.

Ayon sa ilang eksperto, magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases sa bansa hanggang Pebrero bunsod ng mas nakahahawang Omicron variant.

Posible umanong pumalo sa 20,000 hanggang 40,000 ang maitatalang daily COVID-19 cases sa bansa oras na maabot ang peak.

Nitong Enero 2, nakapagtala sa bansa ng 21,418 active COVID-19 cases na may seven-day growth rate na 569.86%. (RENE CRISOSTOMO/BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

198

Related posts

Leave a Comment