(BERNARD TAGUINOD)
TILA bitin ang isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa inisyal na report ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa flood control projects na nakopo umano ng 15 malalaking construction companies.
“Initial, preliminary. Wala masyadong detalye tayong nakita,” ani House deputy minority leader at ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio.
Pinangalanan ni Marcos ang 5 construction companies na may FC projects sa halos lahat ng rehiyon sa bansa na kinabibilangan ng Legacy Construction Corporation, Alpha & Omega General Contractor and Development Corporation, St. Timothy Corporation, EGB Construction Corporation at Road Edge Trading & Development Services.
Kabilang din sa 15 na naghati-hati sa 20% ng FC projects ang QM Builders, Topnotch Catalyst Builders Inc., Centerways Construction and Development Inc., Sunwest Inc., Hi-Tone Construction & Development Corporation, Triple 8 Construction & Supply Inc., Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corp., Wawao Builders, MG Samidan Construction at L.R. Tiqui Builders Inc.
“So its remain to be seen kung may kahihinatnan ba ito. Meron ba…siyempre ang pinakasukatan ito, meron bang makakasuhan di ba. Mapapanagot ba whether legislator, whether opisyal ng Malacañang or contractor,” ayon pa kay Tinio.
Mismong si Marcos ang nag-utos ng imbestigasyon sa FC projects dahil hindi umubra ang mga proyektong ito sa nakaraang bagyo na naging dahilan ng malawakang pagbaha, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa iba pang lugar sa bansa.
Matapos ang halos isang buwan, inilabas ni Marcos ang resulta ng inisyal na imbestigasyon subalit hindi kuntento si Tinio dahil walang binabanggit kung ang mga proyektong ginawa ng mga kumpanyang ito ay palpak kaya lalong lumala ang pagbaha.
“Isa pang tanong, ano na mangyayari sa flood control sa 2026 budget. Kasi isa na siyang pinakamalaking program o item sa DPWH (Department of Public Works and Highways) budget ‘yan, magpatuloy ba ito? Let’s wait and see kung may kahinatnan ito,” ayon pa sa kongresista.
Tri-com Bubuuin sa Kamara
Samantala, tatlong komite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang magtutulong-tulong sa pag-imbestiga sa mga anomalya umano sa flood control projects at iba pang imprastraktura sa buong bansa na umano’y pinagkakakitaan ng ilan.
Ito ang nabatid kay House committee on public accounts chairman at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, na nagsagawa na ng inisyal na pagdinig sa flood control projects na naging dahilan para sabihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng “mahiya naman kayo” ang mga kumikita sa mga proyektong ito.
“Sa flood control, tinitingnan natin na magkaroon ng tri-committee na pinapangunahan ng House committee on public accounts, public works at good government para tingnan ang mga infrastructure at flood control projects sa buong bansa,” ani Ridon.
Kasabay nito, umapela si Ridon sa publiko na isumite ang pangalan ng mga kongresista na may mga construction company na posibleng sangkot sa paggawa ng flood control projects sa kani-kanilang lugar.
“Tatlong linggo, apat na linggo ko nang naririnig ‘yan (mga congressmen) pero hanggang ngayon sa araw na ito walang nagbibigay ng pangalan. Kaya sinasabi ko, malaya silang isiwalat ang mga pangalan at ibigay ang kuwento na sinasabi niya pagbibigay ng kickbacks o pagkakaroon ng lawmakers-contractors para mabigyan ng actual na public venue,”ani Ridon.
“Kung sino po ang aabutin ng pagsisiyasat na ito. Legislator-contractor ba ito, mataas na opisyal ng public works ba ito o kontratista na nagbibigay ng kickbacks eh yun po ang aabutin ng pagsisiyasat,” dagdag pa ng mambabatas nang tanungin kung may kahihinatnan ang kanilang imbestigasyon lalo na’t may mga sangkot na mambabatas sa anomalya sa flood control projects.
Bubusisiin din sa Senado
Kaugnay nito, isinusulong ni Senador Bam Aquino na imbestigahan ng Senado ang pinatungunahan ng pondong ibinuhos ng gobyerno sa flood control projects.
Sa gitna pa rin ito ng ulat ng mga delayed flood control projects umano’y paglulustay o pananamantala sa pondo.
Sa inihaing Senate Resolution no 28, iginiit ni Aquino na busisiin ang impormasyon na sa nakalipas na 15 taon, umabot sa P1.47 trillion ang inilaan ng gobyerno sa flood control and mitigation programs.
Sa halagang ito, P556.5 billion ang alokasyon noong 2022 hanggang 2024 at P360 billion ngayong taon.
Dahil anya sa pagbaha, ilang bahay at eskwelahan ang nasira habang apektado na rin ang negosyo, trabaho at transportasyon bukod sa nasususpinde ang pasok sa trabaho at eskwela.
Idinagdag pa ni Aquino na alinsunod sa Japan International Cooperation Agency na P2.4 billion ang halaga ng nasayang na gasolina at economic productivity sa isang araw ng traffic jam dahil sa baha sa Metro Manila.
Pangunahing dahilang binanggit ni Aquino sa resolution sa pagbaha ang hindi maayos na implementasyon ng engineering solutions, kakulangan sa koordinasyon ang mga ahensya ng gobyerno, walang integration ang land use at housing policies at kulang din sa adaptation sa climate change.
(May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
