ZAMBOANGA City – Patay ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng dalawang pulis, iniulat nitong Sabado ng umaga sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Willy Jumaani, 38-anyos, residente ng Barangay Cabatangan, Zamboanga City.
Nadakip naman ang mga suspek na kinilalang sina P/SSgt. Melvin Jawadil Lakibul at P/SSgt. Russel Appang Saddaranies, pawang nakatalaga sa Bangsamoro Region.
Batay sa report ng Cabatangan Police, nangyari ang insidente noong Biyernes ng umaga sa likod ng mosque sa NTC Cabatangan, ng lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon, bigla na lamang umanong pinagbabaril ng mga suspek ang biktima gamit ang .45 kalibreng baril na agad na ikinamatay nito.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek ngunit kalaunan ay nadakip sa hot pursuit operation.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo ng mga suspek sa pagpatay sa biktima. (ANNIE PINEDA)
240
