LAST MINUTE INSERTIONS SA 2027 BUDGET TATABLAHIN

TINIYAK ni Senate Committee on Finance Chairman Sen. JV Ejercito na hindi nila papayagan ang last-minute insertions o amendments sa panukalang pambansang badyet para sa 2027, kabilang na hanggang sa bicameral conference committee.

Sinabi ni Ejercito na ipagpapatuloy ng Senado ang mga repormang sinimulan noong nakaraang taon upang maiwasan ang mga kwestyonable at hindi makatwirang budget insertions.

Binigyang-diin ng senador na magkakaroon ng assessment sa bawat amyenda sa budget at dapat itong isapubliko.

Padadaluhin din aniya ang mga civil society organization sa proseso, habang muling ila-live stream ang mga bicameral conference committee meeting. Hindi rin umano papayagan ang tinatawag na “small bicam.”

Sa inisyal na assessment sa panukalang budget, ikinatuwa ni Ejercito na nananatiling pinakamalaki ang alokasyon para sa edukasyon, kalusugan at social protection, na pinagsamang umaabot sa P2.45 trilyon.

Welcome rin sa senador ang P1.8 trilyong alokasyon para sa infrastructure projects na aniya’y mahalaga sa pagpapasigla ng ekonomiya.

Nauna nang sinabi ni Ejercito na magiging masikip ang schedule ng Senado dahil sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na isinasagawa tuwing Lunes hanggang Miyerkules.

Inamin din ng senador na malaking hamon sa kanya at sa buong Senado ang pagtalakay sa panukalang 2027 national budget kasabay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at plenary sessions.

Ito ay matapos matanggap ng Senado nitong Martes ang National Expenditure Program (NEP) o panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon, na hudyat ng pagsisimula ng budget season.

Ayon kay Ejercito, plano nilang isagawa ang unang Development Budget Coordination Committee (DBCC) budget briefing sa Agosto 27 o 28.

Gayunman, sinabi niyang magiging hamon ang pag-aayos ng schedule dahil sa impeachment proceedings na nakatakda tuwing umaga at plenary sessions naman sa hapon.

Umaasa si Ejercito na matatapos ng Senado ang deliberasyon sa 2027 budget sa loob ng itinakdang panahon o bago matapos ang taon upang maiwasan ang reenacted budget.

Mahalaga aniyang mapabilis ang budget process upang masimulan agad ang implementasyon ng mga government project at paggasta ng pamahalaan, na makatutulong sa pagpapasigla ng ekonomiya.

(DANG SAMSON-GARCIA)

57

Related posts

Leave a Comment