Sa gitna ng problema sa basura WASTE-TO-ENERGY PROGRAM IKAKASA

ITINUTULAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatupad ng waste-to-energy program bilang hakbang upang matugunan ang lumalaking problema sa basura at makapagbigay ng karagdagang suplay ng kuryente.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos personal na inspeksyunin ang clearing operations sa Baclaran River sa Parañaque City nitong Martes, Agosto 12, kung saan naipon ang napakaraming basura kasunod ng pagbaha dulot ng Bagyong Maymay at Habagat.

Ayon kay Marcos, lumala ang pagbaha matapos matangay sa mga kanal ang basura mula sa iba’t ibang lugar at maipon sa daluyan ng tubig dahil sa high tide.

“Nakita ninyo ‘yung picture na punung-puno ‘yung kanal, punung-puno ng basura na hindi naman galing sa Parañaque, galing sa ibang lugar ‘yun. Pero dahil nabuksan na ‘yung ating mga kanal, lahat doon napasok, nasabayan pa ng high tide kaya naipit ‘yung mga basura doon,” pahayag ng Pangulo.

Sinabi ni Marcos na sa ilalim ng waste-to-energy program, ipoproseso ang mga basura upang gawing kuryente.

“Kami naman dito sa pamahalaan ay itutuloy na natin ‘yung waste-to-energy program. Iyon ‘yung kinukuha ‘yung basura at ito ay pino-process at ginagawang kuryente. Napakalaking bagay niyan pagka natapos na natin,” ani Marcos.

Tinitingnan na rin ng pamahalaan ang mga posibleng lokasyon para sa pagtatayo ng waste-to-energy facilities.

Ayon kay Marcos, layunin nitong mabawasan ang dami ng basurang dinadala sa mga landfill at mapababa rin ang gastos ng mga lokal na pamahalaan sa hauling.

“Imbes na dadalhin sa landfill, dadalhin na lang sa waste-to-energy plant. So, tinitignan natin yung location para naman hindi masyadong malaki ang bayaran ng LGU para sa hauling,” pahayag ng Pangulo.

Inaasahan aniyang makikita ang mga unang development sa proyekto sa loob ng isang taon hanggang isang taon at kalahati.

“Maybe we will be able to see it in a year, a year and a half. We’ll push it,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Marcos na bibilhin ng Department of Energy ang power na malilikha ng mga waste-to-energy facility.

Kasabay nito, nanawagan ang Pangulo sa mga local government unit at publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura at tiyaking hindi ito mapupunta sa mga pangunahing daluyan ng tubig.

Ayon sa Pangulo, hindi lamang gobyerno ang dapat umako sa problema sa basura dahil malaking pinsala ang maaaring idulot ng maling pagtatapon nito, lalo na kapag may malakas na pag-ulan at pagbaha.

Samantala, pinamamadali ni Marcos ang clearing operations sa Baclaran River upang matiyak ang tuluy-tuloy na daloy ng tubig at maiwasan ang panibagong pagbaha.

Nagtutulungan ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Parañaque City government sa paglilinis ng ilog.

Nagpadala na ang DPWH at MMDA ng malalaking equipment at karagdagang tauhan para mapabilis ang clearing operations.

Umabot na sa 16 dump truck, katumbas ng 285 cubic meters ng basura, ang nahakot ng DPWH simula Martes ng gabi.

Sa inspeksyon, sinabi rin ng Pangulo na matagal nang hindi nagagamit ang pumping station sa Baclaran River bago ito muling mapagana noong nakaraang taon.

“Itong pumping station, never gumana. Ngayon lang gumana ito nung last year, nung typhoon season lang last year,” ani Marcos.

Patuloy ang waste collection at clearing operations sa Baclaran River upang mapanatiling bukas ang daluyan ng tubig patungo sa pumping station.

Samantala, naging viral kamakailan ang Redemptorist Water Channel sa Baclaran matapos lumutang at maipon ang toneladang basura kasunod ng malalakas na pag-ulan sa Metro Manila.

(CHRISTIAN DALE)

61

Related posts

Leave a Comment