(NI MAC CABREROS)
UMAASA ang mga driver at operator ng motorcycle taxi o Angkas (kilala rin sa tawag na Taximoto) na magpapasa ng mga batas ang 18th Congress para maging ganap na legal ang kanilang hanapbuhay.
“Sana magkaroon tayo ng batas para sa kapakanan ng lahat, kami at publiko lalo ang mga pasahero namin,” pahayag George Royeca, regulatory at public affairs head ng Angkas.
Aniya, maigagawad sa mga driver at operation ang kanilang karapatan habang mapagkalooban ng tamang proteksyon ang mga pasahero dahil ilalatag ang mga patakaran at panuntunang dapat sundin gaya sa seguridad at kaligtasan.
Naunang pinayagan ng Department of Transportation, matapos ang rekomendasyon ng Technical Working Group, ang pilot-testing sa pamamasada ng mga motorsiklo bilang taxi sa Metro Manila at Cebu kung saan nagsimula nitong Hunyo.
Ang resulta ng naturang pilot-testing ang magsisilbing basehan ng mga mambabatas sa pagpasa ng panukalang mag-reregulate sa Taximoto industry.
“Patunay na nakikinig ang gobyerno,” inihayag ni DOTr Secretary Arthur Tugade.
Binanggit ni Royeca na kanilang tinutupad ang mga itinakdang patakaran at panuntunan gaya ng pagbibigay ng helmet at shower at face mask sa mga pasahero gayundin na isinasailalim nila sa matinding safety training ang mga driver.
“Pinagtutuunan namin ay safety. Kaya lahat na driver ay dumaraan sa matinding training,” wika Royeca. “Kapag hindi po kayo (pasahero) binigyan ng shower at face mask ng aming mga driver ay puwede ninyo po silang ireklamo.”
Binanggit din na may insurance ang pasahero at driver.
170