LET’S VOLT IN: DOJ, BOC AT NBI, SANIB-PWERSA KONTRA SMUGGLING

WALANG safe haven at walang “sacred cows” sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa agricultural smuggling, partikular sa mga puslit na produktong agrikultural.

Ito ang pahayag nina Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno kasunod ng paglagda ng tatlong pangunahing ahensya ng pamahalaan sa isang kasunduan para palakasin ang kampanya laban sa mga smuggler at kanilang mga kasabwat.

Pormal na nilagdaan kahapon ang Tripartite Memorandum of Agreement sa pagitan ng Department of Justice (DOJ), sa pangunguna ni Secretary Frederick Vida; National Bureau of Investigation (NBI), sa pamumuno ni Director Atty. Melvin Matibag; at BOC, sa pangangasiwa ni Commissioner Ariel Nepomuceno.

Dumalo rin sa seremonya si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla bilang suporta sa pinaigting na kampanya laban sa agricultural smuggling.

Layunin ng kasunduan na pag-isahin ang intelligence efforts ng tatlong ahensya, palakasin ang case build-up at tiyaking matibay ang mga kasong isasampa laban sa mga smuggler at kanilang mga kasabwat sa gobyerno.

Alinsunod ito sa Republic Act No. 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na nagtatakda ng mas mabigat na pananagutan sa mga sangkot sa agricultural economic sabotage.

Kasunod ng mga ulat at panawagan na linisin ang mga ahensya ng pamahalaan, nagsagawa na rin ng mga konkretong hakbang laban sa mga opisyal at indibidwal na sangkot sa smuggling.

Noong September 22, 2026, anim na reklamo ang inihain ng BOC sa DOJ laban sa mga importer at mismong mga tauhan ng Customs na umano’y sangkot sa pagpupuslit ng mga sibuyas at carrots na idineklarang “chicken lollipops.”

Nagkaroon din ng balasahan o reshuffle sa ilang sensitibong posisyon sa BOC, kabilang ang pagpapalit ng pinuno ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), bilang bahagi ng mga hakbang upang matiyak ang patas at independiyenteng internal investigation.

Binigyang-diin ng pamahalaan na ang agricultural smuggling ay isang malubhang krimen at itinuturing na economic sabotage dahil direktang nakaaapekto ito sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda at maaaring magdulot ng problema sa suplay ng pagkain sa bansa.

(JESSE RUIZ)

69

Related posts

Leave a Comment