REVISED COOPERATIVE CODE SUPORTADO NI MARK VILLAR

PASAY CITY — Ipinahayag ni Senator Mark A. Villar ang suporta sa Senate Bill No. 1431 o ang panukalang Revised Cooperative Code of the Philippines, na layong palakasin ang mga kooperatiba bilang instrumento sa paglikha ng kabuhayan, pagsusulong ng katarungang panlipunan at pagpapaunlad ng ekonomiya.

Batay sa datos ng Cooperative Development Authority (CDA), mahigit 20,000 rehistradong kooperatiba sa bansa ang nakapagbigay ng trabaho sa tinatayang 335,100 manggagawa noong 2024, na nagpapakita ng malaking ambag ng sektor sa ekonomiya.

“Malaki ang papel ng mga kooperatiba sa paglikha ng kabuhayan, trabaho, at oportunidad para sa ating mga kababayan,” ani Villar.

Binigyang-diin niya na nakatutulong ang mga kooperatiba sa pagpapabuti ng kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa sa kanayunan at iba pang sektor sa pamamagitan ng suportang pinansyal, teknikal at pang-edukasyon.

Sa pamamagitan nito, nakatutulong ang mga kooperatiba sa pagbawas ng kahirapan, paglikha ng trabaho at pagpapalawak ng pakikilahok ng mas maraming Pilipino sa ekonomiya.

Ayon kay Villar, kailangang i-update ang umiiral na Cooperative Code na isinabatas noong 2008 upang makaagapay sa lumalaking hamon at nagbabagong pangangailangan ng sektor.

“Thus, they need to enact a revision that introduces much needed reforms to its regulatory framework,” ani Villar.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1431, paiigtingin at pasisimplehin ang proseso ng pagpaparehistro ng mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagbabawas sa processing time at kinakailangang kapital, partikular para sa mga agricultural cooperative.

Palalawakin din ng panukala ang capital base ng mga kooperatiba sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa foreign investments, alinsunod sa mga pananggalang upang mapanatili ang kontrol at pamamahala ng mga Pilipino.

Ayon kay Villar, makatutulong ang mga repormang ito upang maging mas inklusibo, flexible at matatag ang mga kooperatiba at mabigyan sila ng kakayahang palawakin ang operasyon at mapagsilbihan ang mas maraming miyembro at komunidad.

“Mr. President, ang pagpapalakas at pagsuporta sa paglago ng mga kooperatiba sa bansa, isa sa importanteng hakbang para ma-empower natin ang ating mga magsasaka, mangingisda, guro, at iba pang sektor upang mas mapabuti pa ang lokal na ekonomiya sa ating mga komunidad,” dagdag niya.

Samantala, kinilala rin ni Senate Majority Leader Miguel Zubiri ang mga inisyatiba ng Villar Foundation sa pagsuporta sa mga kooperatiba at community enterprises na may ambag sa pagbawas ng kahirapan.

Sa pamamagitan ng Villar Foundation Awards for Poverty Reduction, kinikilala ang mga natatanging kooperatiba at community enterprises mula sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa kanilang mga programang lumilikha ng kabuhayan, nagpapataas ng kita at nagpapabuti sa kalagayang pang-ekonomiya ng kanilang mga komunidad.

Nagbibigay rin ang programa ng tulong pinansyal sa mga awardee upang maipagpatuloy o mapalawak ang kanilang mga negosyo at proyekto.

Ayon kay Villar, ipinapakita ng patuloy na suporta ng Foundation sa mga kooperatiba ang mahalagang papel ng mga organisasyong ito sa paglikha ng pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan at pagpapalakas ng mga lokal na ekonomiya.

“Ang pagpapalakas ng mga kooperatiba ay hindi lamang tungkol sa pagpapalago ng isang organisasyon. Ito ay tungkol sa pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa ating mga kababayan upang magkaroon ng mas matatag na kabuhayan at maging mas aktibong bahagi ng ating lokal na ekonomiya,” pagtatapos ni Villar.

(DANNY BACOLOD)

66

Related posts

Leave a Comment