TRICYCLE SINALPOK NG BUS; 2 PATAY, 3 SUGATAN

DALAWA ang patay habang tatlo ang sugatan makaraang sumalpok ang isang bus sa nakahintong tricycle sa provincial road sa Barangay Palsahingin, San Pascual, Batangas.

Ayon sa imbestigasyon ng San Pascual Municipal Police Station, dakong alas-12:20 ng tanghali noong Sabado nang huminto ang tricycle na minamaneho ni Renato Pelonia, 49, upang magsakay ng isang pasahero.

Habang nakahinto ang tricycle, nasalpok ito sa likurang bahagi ng bus na minamaneho naman ni Pablo Pedraza, 52, na parehong patungo sa south direction sa nasabing kalsada.

Nasugatan sa insidente ang driver ng tricycle at tatlo nitong pasahero na isinugod sa San Pascual de Baylon Hospital at San Antonio Life Care Hospital para malapatan ng lunas.

Subalit idineklarang wala nang buhay ang isang pasahero ng tricycle na kinilalang si Epetacio De Guzman Sorezo, 54, habang iniulat namang pumanaw rin sa ospital ang driver ng tricycle.

Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng bus na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries and damage to property.

(NILOU DEL CARMEN)

75

Related posts

Leave a Comment