IGINIIT ng National Institute for Transparency and Accountability (NITA) na hindi dapat sisihin ang lokal na pamahalaan ng Subic, ang pribadong may-ari ng lupa, at ang Ayta Ambala Council kaugnay ng pansamantalang tapunan ng basura sa Barangay Naugsol, Subic, Zambales.
Ayon kay NITA Executive Director at Spokesperson Carlos Ayala, napulitika lamang ang usapin kahit ang paggamit sa lugar ay bunga ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor noong kasagsagan ng pandemya.
Sinabi ni Ayala na nagsagawa ang NITA ng site inspection at nakipagpulong sa mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, mga lider ng tribu, may-ari ng lupa, mga residente, at mga kaukulang ahensya.
Batay sa kanilang pagsusuri, pansamantala lamang umanong ginamit ang lugar bilang disposal site upang matugunan ang suliranin sa pagtatapon ng basura noong panahon ng pandemya.
Ayon sa NITA, ang lupang ginamit ay pag-aari ni Jose Tenoria, na minana niya sa kanyang mga ninuno. Pinahiram umano niya ito sa pamahalaan nang walang hinihinging bayad, pabor, o anomang kapalit bilang pagtulong sa panahon ng krisis.
Pumayag din umano ang Ayta Ambala Council, sa pangunguna ni Tribal Chieftain Francis Santos, sa pansamantalang paggamit ng lugar nang walang hinihinging kabayaran bilang paraan ng pagbibigay-suporta sa lokal na pamahalaan na tumutulong din sa kanilang komunidad.
Binigyang-diin ni Ayala na ang kasunduan ay hindi lihim, sapilitan, o mapagsamantala, kundi isang kolaborasyon ng lokal na pamahalaan, pribadong may-ari ng lupa, at komunidad ng Ayta na isinagawa nang may pahintulot at mabuting layunin sa gitna ng pandemya.
Ayon pa sa NITA, tumigil ang pagtatapon ng basura sa lugar noong 2022 matapos magkaroon ng alternatibong waste disposal facility ang munisipyo.
Sa isinagawang inspeksyon, sinabi ng grupo na wala silang naobserbahang matinding amoy at karamihan sa natitirang basura ay mga solid waste na posibleng nagkalat dulot ng mga nagdaang bagyo.
Matapos ang inspeksyon, nakipag-ugnayan ang NITA sa lokal na pamahalaan at iba pang kaugnay na ahensya upang tiyakin ang rehabilitasyon ng lugar.
Ayon kay Ayala, ang pangunahing usapin ngayon ay ang maayos na rehabilitasyon ng lugar at hindi ang pagsisihan ng mga naging desisyon noong panahon ng pandemya.
70 