‘RESTITUTION OMBUDSMAN STYLE’ IS A CRIMINAL ACT – TOPACIO

NAGBABALA si Atty. Ferdie Topacio na ang umano’y “restitution” na iniaalok sa mga akusado sa isyu ng mga umano’y ghost flood control projects sa Office of the Ombudsman (OMB) ay walang batayan sa batas.

Ayon kay Topacio, hindi pinahihintulutan ng umiiral na batas ang ganitong uri ng kasunduan.

“That (restitution) is not sanctioned by law,” ani Topacio.

Ginawa ni Topacio ang pahayag matapos lumabas ang mga ulat na may mga umano’y “middlemen” na naghihikayat sa mga sangkot sa flood control anomaly na magsauli ng bahagi ng umano’y nakaw na pondo kapalit ng hindi pagsasama sa mga akusado sa kaso.

Ipinaliwanag ng abogado na ang restitution ay wala sa ilalim ng Witness Protection Law at ang tamang proseso sa pagbawi ng nakaw na yaman ay sa pamamagitan ng forfeiture proceedings.

“Restitution wala sa Witness Protection Law ‘yan. Nakaw ‘yun. Dapat ibalik nang buo. There is a process to that—forfeiture,” ani Topacio.

Kinuwestyon din niya ang umano’y gawain na ginagawang state witness ang isang akusado matapos magbalik ng bahagi ng umano’y nakaw na pondo.

“Offering restitution to these people and getting a share in the stolen money is a fruit of criminal act,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag ni Topacio na kung halimbawa ay P1 bilyon ang ninakaw, hindi maaaring ibalik lamang ang P600 milyon habang ang natitirang halaga ay mapupunta sa iba kapalit ng pag-absuwelto sa akusado.

Tinukoy rin niya ang mga pangalang lumalabas sa social media na umano’y nagsisilbing “middlemen” ng OMB, kabilang si Alfred Kho Lao, gayundin ang mga alyas na “Nanang,” “Rolle,” “Bayot,” “Jip,” “Weng,” at “Susan.”

Dagdag pa ni Topacio, maging sa Estados Unidos ay kinukumpiska ng pamahalaan ang kikitain ng mga tiwaling opisyal mula sa pelikula o iba pang proyekto tungkol sa kanilang buhay dahil nagmula ito sa bunga ng kanilang kriminal na gawain.

(JOEL O. AMONGO)

79

Related posts

Leave a Comment