(CHRISTIAN DALE)
MAS paiigtingin at dodoblehin ng local government units (LGUs) ang kanilang pagsisikap sa gagawing paghahanda para sa three-day national vaccination program mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Sa katunayan, ani Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, tatanggap ang LGUs ng walk-in applicants.
Tinukoy nito ang mga nasa ilalim ng A2 (senior citizens), A3 (adults with comorbidities), at A4 (essential frontline personnel) categories.
Pinuri naman nito ang Kalakhang Maynila sa mataas na vaccination rate habang kailangan namang humabol ng ibang rehiyon.
“Ang problema na lang natin sana paano makaka-adjust ‘yung mga ibang LGUs outside of Metro Manila kaya ‘yun ang aming nakatutok ngayon at sa pulong na ginanap with the governors and the mayors, nag-commit naman sila na dodoblehin nila ‘yung kanilang pagbabakuna at sisiguraduhin nila na tumaas ‘yung vaccination rate at makapag-prepare pa,” ayon kay Año.
Sa kabilang dako, umaasa naman ang pamahalaan na mapatataas ang pagbabakuna ng 1.5 milyon kada araw para makamit ang population protection bago matapos ang taon.
Sa three-day activity, target mabakunahan ang 5 milyong indibidwal.
Tiniyak din ni Año ang full preparations sa pakikipag-ugnayan sa mga uniformed personnel upang maiwasan ang overcrowding, kabilang na sa vaccination sites, hiring ng mas maraming vaccinators, sasakyan na magpi-pick up sa mga bakuna at agarang pagde-deliver nito.
Nagsasagawa naman ang local chief executives ng mga pagpupulong sa DILG regional offices, Department of Health regional directors, kapulisan , at iba pang concerned parties.
“Day 1 will fall on a Monday that is why we are recommending that this be declared a holiday to allow everybody to focus on the vaccination and those going to be vaccinated will have no work,” ayon kay Año.
