LGUs PINAGPAPATAYO NG ISOLATION AREAS VS COVID-19

HINILING ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian sa lahat ng local government units (LGUs) na magtayo ng isolation areas at makeshift hospital sa kanilang nasasakupan upang makatulong na mabawasan ang sumisikip ng emergency room ng mga ospital.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na malaki ang magagawa ng isolation areas at makeshift hospital laban sa pagkalat ng corona virus 2019 ( COVID-19) na magbubukod at matutulungang gumaling ang mga pasyenteng may mild symptoms ng sakit.

Iminungkahi ni Gatchalian na itayo ang naturang pasilidad sa maluluwang, malilinis at maaliwalas na lugar tulad ng mga gymnasium.

“Maliban sa mga pasyenteng nagpapagaling mula sa sakit, maaari ding gamitin ang mga pasilidad na ito ng mga “persons under investigation” o PUIs. Puwede ring gamitin ang mga paaralan, dormitoryo at hotel bilang   isolation areas,” ayon sa senador.

Nagbabala si Gatchalian na hindi sapat ang kasalukuyang kapasidad ng mga ospital sa bansa upang tugunan ang pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus dito.

“Sa Quezon City, halimbawa, may tatlong pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 pero pinauwi ng ospital dahil wala nang sapat na espasyo,” aniya.

Inihalimbawa ng mambabatas ang pagtatayo ng Wuhan, China – dating tinaguriang epicenter ng pandemic sa coronavirus, ng labing-anim (16) na pansamantalang ospital na nakapanggamot ng halos labing-tatlong libong (13,000) pasyente.

“Ipinasara na ang mga naturang ospital matapos bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod at sa buong China.” “Naging prayoridad naman ng South Korea na ipagamit ang mga kama ng ospital sa mga may malubhang sakit, habang ang mga may mild symptoms naman ay nanatili sa mga dormitory.” Aniya.

Ayon kay Gatchalian, magandang halimbawa ito sa pagbibigay prayoridad sa mga pasyenteng may malalang sintomas ng coronavirus.

Nanawagan din si Gatchalian sa Department of Interior and Local Government (DILG) na tiyakin ang bawat barangay ay may Barangay Isolation Units o BIUs at Barangay Health Emergency Response Teams o BHERT. Estong Reyes

398

Related posts

Leave a Comment