(SAKSI NEWS TEAM)
NAUDLOT ang panunumpa kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno sa Aksyon Demokratiko matapos magkagulo sa ilang vaccination sites sa lungsod nang dumagsa ang mga taong nais magpabakuna.
Base sa mga video na kumalat sa social media, nagsilbing superspreader event ang pagbubukas ng vaccination sa iba’t ibang mall sa Maynila dahil mistulang hindi mahulugan ng karayom nang dumagsa ang mga residente na muntik pang humantong sa stampede.
Puna rin ng ilang netizens, sa mga estilo ni Moreno ay tila nagagamit ang libreng bakuna sa pulitika. Nauna nang inilunsad ni Moreno ang 24/7 na bakunahan para aniya maraming mamamayan ang mabakunahan, taga-Maynila man o taga-ibang lugar.
Pinayagan din nito ang pagbabakuna sa mga walk-in.
Ngayong Huwebes, madaling araw pa lang umano ay dagsa na ang mga nagtutungo sa vaccination centers tulad sa Lucky Chinatown Mall, Robinsons Place Manila, SM Manila at SM San Lazaro.
Sa dami ng tao, hindi naiwasang magkatulakan kaya marami ang nagkapikunan na muntik umabot sa sakitan.
“The chaos in some NCR vaccine centers, especially in Manila this morning, requires utmost collective attention,” pahayag ng kampo ng alkalde matapos kanselahin ang dapat sana’y dadaluhang aktibidad.
Manunumpa sana si Moreno sa harap ni Atty. Robbie Pierre Roco, anak ng party founder ng Aksyon, na si namayapang Senator Raul Roco.
Nauna nang inihayag ni Ernest Ramel Jr., Aksyon Demokratiko secretary general, na kumalas na si Moreno sa National Unity Party.
Naghain umano si Moreno ng kanyang resignation bilang vice chairman for political affairs at miyembro ng partido nito lamang Agosto 4 na naka-address kay NUP secretary general Representative Narciso Bravo.
Huwag maging superspreader
Kaugnay nito, agad inatasan ng Malakanyang ang mga opisyal ng local government units (LGUs) na magpatupad ng hakbang na magko-kontrol sa pagdagsa ng tao sa COVID-19 vaccination centers.
Ang babala ni Presidential spokesperson Harry Roque, ang kabiguan ng mga ito na maipatupad o gumawa ng hakbang sa bagay na ito ay malinaw na “dereliction of duty.”
Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay kasunod ng report na may hindi inaasahang dami ng taong dumagsa sa vaccination centers sa Maynila lalo na sa SM San Lazaro.
Ipinakita sa report na ang vaccine turnout sa Maynila ay tumaas ng 22,000 mula sa usual daily numbers na 1,000 hanggang 2,000 kada vaccination site.
“Ang pinagbilin po ng presidente, dapat unang-una, kino-control po talaga ang crowd. Pangalawa, kinakailangan makatao po. Hindi po puwede nagkakagulo,” ayon kay Sec. Roque.
Pinaalalahanan naman ni Sec. Roque ang mga opisyal ng LGUs na tiyakin na ang scheduling system ay nasusunod upang masiguro na may sapat na slots para sa mga magpapakita sa vaccination sites.
“Huwag naman po natin gawing superspreader events ang ating bakunahan because ang bakuna po will save lives, it should not endanger lives,” dagdag na pahayag nito.
Sinabi pa niya na kailangang kontrolin ng LGU officials ang dami ng tao dahil sapat naman ang resources para ipatupad ang minimum public health standards.
Giit ni Sec. Roque, ang pagpapabaya sa quarantine protocols sa COVID-19 vaccination sites ay maituturing na isang sakuna para sa bansa.
“Nananawagan po kami kinakailangan ipatupad ang minimum public health standards, otherwise, yung ating bakunahan na ang objective ay makasalba ng buhay baka ‘yan pa ang maging dahilan ng pagkakasakit at pagkakamatay,” aniya pa rin.
Nauna rito, pinasaringan din ng Palasyo si Moreno kamakailan nang maulanan at mababad sa baha ang mga nakapilang magpapabakuna. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
206 