TULOY-TULOY ang pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) makaraang makapagtala ng 1,600 bagong impeksyon noong Linggo, Setyembre 25, ayon sa OCTA Research Group.
Ang naturang numero ay mas mataas sa peak na 1,502 kaso noong Agosto 7, saad pa ni OCTA fellow Dr. Guido David.
Tumaas din ang ‘one-week growth rate’ sa Metro Manila sa 25% noong Setyembre 25 na halos doble ng 13% noong Setyembre 18.
Maging ang ‘reproduction number’ ay tumaas din sa 1.30 nitong Setyembre 22 mula sa 1.21 noong Setyembre 15. Umakyat din ang ‘7-day positivity rate’ sa 18.5% noong Setyembre 24 mula sa 15.7% noong Setyembre 17.
Sa kabila nito, nananatili namang nasa ‘low level’ ang healthcare utilization sa rehiyon na nangangahulugan na karamihan sa dinadapuan ng virus ay ‘asymptomatic’ o ‘mild’ lamang ang mga sintomas.
Inaasahan naman ng OCTA na magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng mga kaso ngunit hindi naman binanggit kung posibleng ito ay dahil sa pagluluwag sa panuntunan sa paggamit ng facemask sa outdoors. (RENE CRISOSTOMO)
167 