PNP KINALAMPAG SA TALAMAK NA PERYAHAN NG BAYAN

pnp

KINALAMPAG ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) si Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na ipatigil ang operasyon ng Peryahan ng Bayan o PnB at arestuhin ang mga sangkot sa naturang ilegal na aktibidad.

Sa liham ni PCSO General Manager Mel Robles sa PNP na may petsang 29 August 2022, hiniling niyang sugpuin ang operasyon ng PnB numbers game na kumakalat umano sa buong bansa bagaman malaon na itong pinatigil ng PCSO, alinsunod sa Board Resolution No. 51, Series of 2016.

Napag-alaman na ang Peryahan ng Bayan ay muling bumalik sa maraming lugar partikular na sa Oriental Mindoro sa kabila ng suspensyon.

Ayon sa PCSO, ang peryahan operator Globaltech Mobile Online Corporation ay inisyal na nakakuha ng status quo ante order mula sa Pasig City Regional Trial Court Branch 161 laban sa nasabing termination, pero ang Writ of Execution na inisyu noong February 18, 2020 ay ni-recall ng naturang korte.

Paliwanag ni Robles, ang pagpapatuloy ng operasyon ng PnB games ay hindi saklaw ng PCSO pero ito’y ilegal at labag sa penal laws laban sa illegal gambling activities.

Dagdag pa ng PCSO, inililigaw ng Globaltech ang law enforcement agencies na ipinaalam sa kanila ang pagbabalik ng Peryahan ng Bayan games base sa umano’y pagpapatupad ng status quo ante order.

Isang source naman na tumangging magpabanggit ng pangalan ang nagsabing may ilang tiwaling indibidwal na patuloy na nag-ooperate ng illegal numbers game cum jueteng gamit ang PnB sa bayan ng Roxas, Pola, Victoria, Socorro at Calapan City kahit na may malinaw na utos mula sa PCSO na hindi na ito pinapayagan.

Nilagdaan ni Oriental Mindoro PCSO Branch Manager Augusto Tordillos ang nasabing liham na humihiling sa PNP na ipatupad ang suspension order ng Office of the President sa operasyon ng PnB sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Matatandaan na nagpadala rin ng liham ang PCSO kina Police Regional Office 4B director PBGen Sidney Hernia, P/Maj. Israel Cisco Magnaye, Battalion Commander ng PNP Regional Mobile Force at PCol Anthony Ramos, Chief of Police ng Calapan City upang humingi ng tulong para matigil ang operasyon ng PnB sa limang bayan ng nasabing lalawigan.
Ang small town lottery ang tanging awtorisado ng PCSO na magpatakbo ng number games sa bansa. (RONALD BULA)

221

Related posts

Leave a Comment