NAGPAHAYAG ng pagkaalarma ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas o PAMALAKAYA nitong Biyernes kaugnay ng naiulat na fish kill sa Laguna de Bay, partikular sa mga lugar sa lalawigan ng Rizal.
Ayon sa grupo, hindi pa matukoy ng mga residente at mangingisda ang sanhi ng pagkamatay ng mga isda, ngunit pinaghihinalaan nilang maaaring may kinalaman dito ang isang water concessionaire na umano’y nagpakawala ng wastewater sa lawa.
Sa isang pahayag, hinimok ni PAMALAKAYA Vice Chairperson na si Ronnel Arambulo ang Laguna Lake Development Authority o LLDA na agad imbestigahan ang insidente.
“Nananawagan kami sa LLDA na agarang imbestigahan ang fish kill. Dapat ding imbestigahan ang mga pabrika at water concessionaire na nag-o-operate sa paligid ng lawa dahil sila ang madalas na pangunahing responsable sa pagkasira ng kapaligiran at pagkagambala sa ekolohiya. Dapat silang papanagutin kung mapatutunayang may sala,” ayon kay Arambulo.
Sinabi ng PAMALAKAYA na nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na mangingisda sa Rizal upang masuri ang epekto ng fish kill sa kabuhayan ng mga mangingisda at residente sa mga komunidad sa paligid ng lawa.
(PAOLO SANTOS)
34 