IPINALIWANAG ni Ariel Inton, pangulo ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), na hindi nangangahulugan ng pagkatalo ng mga petitioner ang naging pagbasura ng Korte Suprema sa mga petisyon laban sa No Contact Apprehension Program (NCAP).
Ayon kay Inton, mahalagang suriin ang dahilan ng pagbasura ng kaso dahil sa usapin ng NCAP, hindi dininig ng Korte Suprema ang merito ng usapin kung labag ba sa Saligang Batas ang mga lokal na ordinansa ng NCAP.
Aniya, idineklara ng Korte Suprema na naging moot and academic na ang mga isyung inihain dahil sa pagpapatupad ng bago at iisang traffic enforcement framework sa ilalim ng Metro Manila Traffic Code of 2023.
Ipinaliwanag ni Inton na hindi na ang mga lokal na NCAP ordinance ang ipinatutupad kundi ang bagong traffic code, kaya nawalan na ng saysay ang mga isyung inilahad sa mga petisyon.
Dahil dito, sinabi niyang ginamit ng Korte Suprema ang doktrina ng pag-iwas ng konstitusyonalidad o constitutional avoidance doctrine.
Sa ilalim ng naturang doktrina, kung maaaring maresolba ang isang kaso nang hindi kinakailangang pagpasyahan ang constitutional question, iiwasan ng Korte Suprema na talakayin ang usapin sa konstitusyonalidad.
Nilinaw rin ni Inton na ang pagbasura sa mga petisyon ay hindi nangangahulugang idineklara ng Korte Suprema na balido ang mga NCAP ordinance ng mga local government unit (LGU).
“The dismissal of the petitions does not constitute a ruling that the challenged NCAP issuances are valid,” ayon sa paliwanag ni Inton batay sa desisyon ng Korte Suprema.
Dagdag pa niya, maaari pa ring kuwestiyunin sa hinaharap ang bagong NCAP system kung magkakaroon ito ng aktuwal na kontrobersiya o paglabag sa karapatan ng mga motorista.
Sinabi rin ni Inton na nananatiling bukas ang posibilidad na gamitin ng Korte Suprema ang kaparehong doktrina sa iba pang mga kasong may constitutional issues, kabilang ang mga posibleng petisyon kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Gayunman, iginiit niya na kung mayroong grave violation of the Constitution o may malaking pampublikong interes na nakataya, hindi umano hahayaan ng Korte Suprema ang tahasang paglabag sa Saligang Batas.
Matatandaang ibinasura ng Korte Suprema ang pinagsamang mga petisyon laban sa NCAP na ipinatutupad sa ilang pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Sa desisyong may petsang Hunyo 3 ngunit isinapubliko noong Huwebes, sinabi ng Korte Suprema na naging moot and academic ang mga isyung inihain dahil sa pagpapatupad ng Metro Manila Traffic Code of 2023.
Ibinasura rin ng Korte Suprema ang mga petisyon dahil sa kawalan ng legal standing, paglabag sa exhaustion of administrative remedies at hierarchy of courts, at forum shopping.
Kasabay nito, inalis na rin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na inilabas nito noong Agosto 2022 laban sa pagpapatupad ng NCAP sa Maynila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa, Land Transportation Office (LTO), at iba pang kaugnay na ahensya.
Gayunman, nilinaw ng mataas na hukuman na ang pagbasura sa mga petisyon ay hindi dapat ituring na pagpapatibay sa legalidad ng NCAP at ng mga ordinansang dati nang kinuwestiyon.
27 