MAG-ASAWANG CURLEE AT SARAH DISCAYA KUMANTA NA!

PUNA ni JOEL O. AMONGO

IKINANTA na ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado kahapon, kung sinong mga opisyal ng Department of Public and Works and Highways (DPWH) at mga mambabatas ang nanghihingi sa kanila ng komisyon sa kanilang mga kontrata sa gobyerno.

Kabilang sa mga nanghihingi umano ng 10 hanggang 25 porsyento sa kanilang mga nakuhang kontrata sa flood control projects sa iba’t ibang lugar ay sina Pasig City Cong. Roman Romulo; Cong. Jojo Ang ng USWAG Ilongo Party-list; Cong. Michael Patrick Vargas of Quezon City, District 5; Cong. Juan Carlos Arjo Atayde of QC; Nicanor Briones of AGAP Party-list at marami pang iba.

Ganoon katindi ang ginawa ng mga mambabatas at opisyal ng DPWH na ito, kaya lumalala ang katiwalian sa flood control projects. Tanong ngayon ng publiko kay PBBM, kaya niya bang parusahan ang lahat ang mga ikinanta ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya?

Kamakailan, sinabi naman nina dating Commission on Audit (COA) Commissioner Heidi Mendoza at Department of Finance (DOF) Undersecretary Cielo Magno na duda sila sa sinasabi ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., na kaya niyang parusahan ang malapit sa kanyang pamilya na nadadawit sa maanomalyang flood control projects.

Wala rin silang tiwala sa isinasagawang imbestigasyon ng Kamara at Senado dahil mismong si Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na dating chairman ng House Committee on Appropriations noong 19th Congress na gumawa ng 2025 National Budget na pinagmulan ng kontrobersiya ng 5,500 maanomalyang flood control projects, ay hindi nila maimbitahan sa nasabing pagdinig.

Baka naman kasi sumabog sa kanilang pagmumukha kung sino ang nakinabang na mga kongresista sa mga katiwaliang ito. Mas pabor kasi sa kanila na hindi na magpakita si Rep. Co habang mainit pa ang isyu ng flood control projects anomalies.

Pangunahing tumutol na padaluhin si Rep. Co sa pagdinig ng Kamara ay sina Manila Rep. Benny Abante at Iloilo Rep. Janette Garin. Alam na dis!

Ayon pa kina Comm. Mendoza at Prof. Magno, kung talagang gusto ng administrasyon ni PBBM na mabigyan ng kaparusahan ang mga nagkasala sa maanomalyang flood control projects ay unahing imbestigahan ang mga kongresista at senador na idinadawit sa katiwalian dahil sila ang nagsisingit ng pondo para sa nasabing mga proyekto.

Sila rin ang pinakamalaking manghingi ng komisyon sa mga kontratista na umaabot ng 30% sa kabuuang pondo ng proyekto.

Bago pa man ang pinakahuling eleksyon ay ibinulgar na ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez ang maanomalyang 5,500 control projects na ipinagmalaki pa ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon.

Kalaunan ay inamin ni PBBM sa kanyang SONA nitong taon, na may katiwalian ang nasabing flood control projects na dahilan ng mga pagbaha sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Maging si Baguio City Benjamin Magalong ay ibinulgar kung ano ang ginagawa ng mga kongresista sa maanomalyang flood control projects.

Maging si Mareng Winnie Monsod sa panayam ni Jessica Soho kamakailan, ay sinabi na hindi dapat lubayan ng administrasyon ni PBBM ang mga kontratista dahil hindi naman sila makakukuha ng mga proyekto kung wala silang kasabwat na mga kongresista, senador at opisyal ng DPWH.

Aniya, nasa 10 hanggang 15 porsyento lang ang napupunta sa kontratista, samantalang ang napupunta sa mga mambabatas ay nasa 30% kaya dapat sila ang unahing imbestigahan.

Kung ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya ay 10 hanggang 15 porsyento lang nakukuha sa maanomalyang flood control projects, ay nakabibili ng mga mamahaling sasakyan, mas lalo ang mga mambabatas dahil mas malaki ang kanilang kickbacks.

Abangan natin kung ano ang gagawin ni PBBM sa mga isiniwalat ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.

oOo

Para sa suhestiyon at reklamo mag-email sa operarioj45@gmail.com.

150

Related posts

Leave a Comment