AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
SINABI ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na pasok sa kasong administratibo si DPWH Engineer Henry Alcantara sa nangyaring maanomalyang flood control projects sa Bulacan.
Si Engr. Alcantara ay dating District Engineer (DE) ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office, na nadawit sa nasabing maanomalyang proyekto sa lalawigan ng Bulacan.
Binigyang-diin ng bagong talagang kalihim ng DPWH sa kanyang pitong pahinang desisyon, na napatunayang may pananagutan si Engr. Alcantara sa mga sumusunod na mabibigat na kasong administratibo: Disloyalty to the Republic of the Philippines and to the Filipino People; Grave Misconduct; Gross Neglect in the Performance of Duty, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, alinsunod sa Sections 63 (A)(1)(d), (f), (h), at A(2)(a), Rule 10 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service.
Ang pagbusisi sa mga palpak na proyekto ng gobyerno ay bilang tugon na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang mga tiwaling opisyal na sangkot sa mga proyektong hindi napakikinabangan ng taumbayan.
Ayon pa kay Dizon, magsisilbi itong babala sa mga opisyal at kawani ng DPWH na responsable sa ghost at substandard projects, dahil kagaya nga ng sinabi ni Pangulo, hindi hahayaan na hindi mapanagot ang mga tiwali sa pamahalaan,
Dahil dito, magrerekomenda ang DPWH na maghain ng criminal charges laban kay Engineer Alcantara at sa iba pang sangkot na indibidwal upang makamit ang hustisya sa kanilang ginawang pambababoy sa kaban ng bayan.
Kabilang sa mga sasampahan ng kasong administratibo at kriminal ay sina dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, Construction Section Chief Engineer Jaypee Mendoza, at Accountant III Juanito Mendoza na mula lahat sa Bulacan 1st District Engineering Office.
Mismong si Pangulong Bongbong Marcos, Jr., kasama si Dizon, ang nakakita sa maanomalyang flood control projects sa kanilang isinagawang inspeksyon sa Bulacan na dating nasasakupan nina Engr. Alcantara, at Engr. Hernandez.
Samantala, sa isinagawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee ng Senado kamakailan sa pamumuno ni Senator Rodante Marcoleta, sa pagtatanong ni Senator JV Ejercito kay Engr. Henry Alcantara ay inamin nito na pumapasok siya sa casino para magsugal.
Aniya, dalawa hanggang tatlong beses siyang pumapasok sa casino sa loob ng isang buwan at kung minsan ay nakakasama pa niya si Engr. Hernandez.
Si Engr. Brice Hernandez ang ibinulgar ni Senator Panfilo Lacson sa kanyang privilege speech sa Senado, na sugapa sa pera at nagpapatalo ng milyones sa casino.
Kung pagbabasehan ang lifestyle nina Engr. Alcantara at Engr. Hernandez ay masasabing hindi ito kayang suportahan ng kanilang susuwelduhin lamang mula sa DPWH bilang mga engineer.
Hindi sana makagagalit ang ginagawa ng dalawang ito kung nanggagaling mismo sa kanilang sariling bulsa ang kanilang nilulustay, ang problema ay nanggagaling sa mga buwis ng taumbayan ang kanilang ipinangsusugal na mga pera sa casino.
Kaya dapat hindi tigilan hangga’t hindi naipakukulong ang mga ito para pagbayaran nila ang kanilang ginawang kasalanan sa taumbayan.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
