CLICKBAIT ni JO BARLIZO
SA panahong ang pulitika sa Pilipinas ay mistulang walang katapusang ingay — siraan dito, intriga doon — madali nang mawalan ng pag-asa. Ngunit sa gitna ng magulong entablado, may dalawang pangalan na nangingibabaw hindi dahil sa kontrobersiya, kundi dahil sa kanilang trabaho: DBM Secretary Amenah Pangandaman at DPWH Secretary Vince Dizon.
Si Pangandaman, maituturing na bagong bantay ng kaban ng bayan. Taon-taon, ang pambansang budget ay tila laruan ng mga makapangyarihan: biglaang insert, misteryosong dagdag, at kung anu-anong palusot. Para tayong nanonood ng palabas sa perya na alam mong may daya. Ngunit ngayong siya ang nakaupo, malinaw ang mensahe—hindi na pwede ang hokus-pokus. Hindi na pwede ang kalokohan. At sa wakas, may isang lider na may tapang linisin ang bulok na kalakaran.
Samantala, si Dizon ang bagong mukha ng DPWH. Dekada na tayong binabaha—sa tubig at sa katiwalian—habang bilyon-bilyong pondo ang tila natutunaw sa ere. Mga proyektong hindi matapos, imprastrakturang walang saysay, at sistemang matagal nang sira. Mabigat ang hamon, pero kung may kakayahang magpatino at magpatuloy nang seryoso, siya iyon. Hindi siya ang tipong nagtatago sa press release; siya ang tipong nakikita sa resulta.
Habang marami sa gobyerno ang abala sa pulitika at personal na interes, sina Pangandaman at Dizon ay nakatutok sa esensya ng pamamahala: ang maglingkod. At sa panahong ito, iyon na ang tunay na radikal—ang magsabi ng kaunti ngunit gumawa ng marami.
Kung may aral na dapat mapulot, ito: hindi lahat sa gobyerno ay pare-pareho. May mga trapo na inuuna ang sariling bulsa, ngunit may mga opisyal na gaya nina Pangandaman at Dizon na nagpapatunay na maaari pang magtiwala. Ang Pilipinas ay nangangailangan ng mas maraming tulad nila — hindi mga politikong mahusay magsalita, kundi mga lingkod-bayang marunong magtrabaho.
At kung ang gobyerno ay may mas maraming Pangandaman at Dizon, baka sa wakas, ang bansang ito ay hindi lang mangarap ng pagbabago — kundi tunay na maranasan ito.
