MAYNILA — Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang dalawang mahahalagang panukalang batas sa kalusugan na itinuturing na malaking hakbang tungo sa preventive healthcare at pantay na akses sa serbisyong medikal, kung saan si Senadora Camille Villar ay kabilang sa pangunahing may-akda at co-author.
“Ang preventive care at maagap na interbensyon ay nakababawas ng paghihirap, nagpapababa ng pangmatagalang gastusin, at nagliligtas ng buhay,” pahayag ni Villar. Aniya, layon ng mga panukala na tiyaking ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan ay karapatan ng bawat Pilipino at hindi pribilehiyo.
Isa sa mga inaprubahan ay ang Senate Bill No. 1509 o Philippine Geriatric Center Act na magtatatag ng Philippine Geriatric Center (PGC) bilang tertiary specialty hospital sa ilalim ng Department of Health (DOH). Layunin nitong magbigay ng komprehensibo, integrado, at napapanatiling sistema ng geriatric care para sa mga senior citizen, partikular ang mahihirap at may komplikadong karamdaman.
Ang PGC ay magsisilbi ring pambansang sentro para sa pananaliksik, pagsasanay ng health professionals, at pagbuo ng age-friendly standards sa loob ng Universal Health Care framework.
Inaprubahan din ang Comprehensive Lupus Prevention Act na co-author si Villar. Layunin nitong maglunsad ng pambansang programa laban sa Systemic Lupus Erythematosus (SLE), kabilang ang prevention, early detection, treatment, at rehabilitation.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang Center for Lupus and Autoimmune Diseases bilang national referral at technical center, may mandatory training sa healthcare providers, lupus monitoring system, PhilHealth coverage para sa screening, at taunang pagdiriwang ng National Lupus Awareness Week tuwing unang linggo ng Mayo.
(DANNY BACOLOD)
12
