JEEPNEY DRIVER BINARIL, EX-BRGY. CHAIRMAN ITINURONG MAY PAKANA

CAVITE – Pinasok sa kanyang bahay at pinagbabaril ang isang 43-anyos na jeepney driver ng dalawang ‘di pa nakikilalang suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo sa Dasmariñas City noong Martes ng madaling araw.

Nilalapatan ng lunas sa Emilio Aguinaldo College (EAC) Hospital ang biktimang si alyas “Roderick”, may live-in partner, ng Brgy. Salitran 1, Dasmariñas City, Cavite dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na nakasuot ng face mask, puting t-shirt, brown jacket, maong pants at magkaangkas sa isang motorsiklo.

Ayon sa ulat, nasa loob ng kanyang bahay ang biktima sa Barangay Salitran 1, Dasmariñas City, bandang alas-12:30 ng madaling araw nang pumasok ang mga suspek at siya ay pinagbabaril gamit ang hindi nabatid na kalibre ng baril.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo habang ang biktima ay isinugod sa ospital at kasalukuyang inoobserbahan.

Ayon kay alyas “Maria”, live-in partner ng biktima, isang dating barangay chairman ang posibleng may pakana sa pamamaril sa kanyang kinakasama na umano’y dati niyang manliligaw.

Dagdag pa ni Maria, ang biktima at ang dating barangay chairman ay dinala sa Imus Police Station makaraang akusahan ng huli ang una ng pagnanakaw at inatake nito.

Gayunman, pinakawalan ang biktima dahil sa kakulangan sa ebidensiya para idiin ito.

(SIGFRED ADSUARA)

11

Related posts

Leave a Comment