MALACAÑANG: KARANASAN NI PACQUIAO SA PAGTULONG SA MAHIHIRAP, ISINAALANG-ALANG SA NAPC APPOINTMENT

SINABI ng Malacañang na kabilang sa mga konsiderasyon sa pagkakatalaga kay National Anti-Poverty Commission (NAPC) Secretary and Lead Convenor Manny Pacquiao ang kanyang karanasan at malasakit sa mga Pilipinong kabilang sa marginalized sectors.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang kasaysayan ni Pacquiao sa pagtulong sa mahihirap at marginalized communities ang naging dahilan kung bakit nakita itong akma upang pangunahan ang NAPC.

“Alam naman po natin na si dating senator Manny Pacquiao kung paano siya nakisalamuha sa ibang mga kababayan natin na nasa laylayan ng lipunan. Alam natin kung paano siya dumamay sa ating mga kababayan,” ani Castro sa press briefing sa Malacañang.

Nauna rito, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panunumpa sa puwesto ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao bilang Secretary and Lead Convenor ng NAPC.

Pinalitan ni Pacquiao si dating NAPC Lead Convenor Secretary Lope Santos III.

Ayon kay Castro, nakaugat sa personal na adbokasiya at malasakit ni Pacquiao sa mga disadvantaged Filipino ang kaniyang kahandaang tumulong sa mga nangangailangan.

“Kumbaga nandoon na iyong kanyang mithiin, ang kanyang damdamin na tumulong sa nasa ilalim nga ng lipunan,” ani Castro.

“Siguro doon nanggagaling ang dahilan kung bakit siya ang na-appoint sa nasabing posisyon, dahil nakikita natin na ang pagtulong ni Senator Manny Pacquiao sa ating mga kababayan ay nanggagaling sa kanyang puso, sa kanyang magandang mithiin,” dagdag niya.

(CHRISTIAN DALE)

97

Related posts

Leave a Comment