Tugon sa mensaheng inabot sa Seoul Dialogue TEODORO SA CHINA: MAHIYA NAMAN KAYO!

“MAGING disente lang kayo nang konti. Mahiya naman kayo nang konti.”

Ito ang naging tugon ni Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. sa isang liham na umano’y mula sa China na iniabot sa kaniya habang dumadalo sa Seoul Defense Dialogue (SDD) 2026 sa Seoul, South Korea.

Sa video na ibinahagi ng Department of National Defense (DND), makikitang sumasagot si Teodoro sa mga tanong sa plenaryo ng SDD nang maantala ang talakayan matapos may biglang mag-abot sa kaniya ng mensaheng nakasulat sa papel.

“I have a note here. I think this is from China. You should have joined. May I read it?” ani Teodoro bago basahin ang nilalaman ng kalatas.

Nakasaad sa papel ang posisyon ng China hinggil sa Arbitral Award sa West Philippine Sea.

Ayon kay Teodoro, dapat magpakita ang China ng “basic decency” at paggalang, lalo na’t ginaganap ang forum sa South Korea.

Dagdag ng kalihim, ang ginawa umano ng China ay nagpapakita ng kawalan ng respeto sa international law.

Sinang-ayunan naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang naging tugon ni Teodoro at sinabing nirerespeto nito ang kaniyang pahayag kaugnay ng patuloy na hindi pagkilala ng China sa 2016 South China Sea Arbitral Award.

Ayon sa Yonhap News Agency, sinabi ng mga organizer ng forum na ang liham na iniabot kay Teodoro ay nagmula sa military attaché ng Chinese Embassy sa Seoul.

Ibinigay umano ng attaché ang papel sa isang forum staff member at hiniling na iparating ito kay Teodoro.

Sa liham, iginiit ng China na ang posisyon nito sa arbitration ay “clear, consistent and firm,” habang sinabing nilabag umano ng proceedings ang mga pangunahing prinsipyo ng international law at ang Arbitral Award ay “illegal, null and void.”

Kinuwestiyon naman ni Teodoro ang posisyon ng China at ipinaalala na isinagawa ang arbitration sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

“‘The Arbitration violates fundamental principles of international law.’ What you signed, UNCLOS, you mean violates international law. That’s what you mean,” ani Teodoro.

“‘China neither accepts nor recognizes the Award.’ Of course, because you lost,” dagdag pa ng kalihim sa harap ng plenaryo.

“These are words slipped to me and there is a legal principle called res ipsa loquitur—the thing speaks for itself,” ani Teodoro.

“How do you expect to deal with it civilly? I ask you the question: Is this the right paper to post to me when I’m being asked a question on the floor? And how will you treat this kind of behavior?” dagdag niya.

(JESSE RUIZ)

110

Related posts

Leave a Comment