SERBISYONG RAMDAM: MAYOR RIDA ROBES, KAAGAPAY SA PAG-UNLAD NG MGA SAN JOSEÑO

TARGET ni KA REX CAYANONG

MALAKING tulong sa mga pamilyang San Joseño ang pagsisimula ng Bawat Bayan Makikinabang Rice Distribution Program sa Lungsod ng San Jose del Monte.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa araw-araw, ang libreng bigas ay dagdag-ginhawa sa mga pamilyang kailangang pagkasyahin ang kanilang kita.

Sa pangunguna ng lokal na pamahalaan sa ilalim ni Mayor Rida Robes, sinimulan ang programa noong Oktubre 8 sa pamamagitan ng ceremonial turnover sa Northridge Executive Covered Court sa Barangay Sto. Cristo.

Sinundan ito ng pamamahagi sa Muzon South at Gaya-Gaya.

Mahigit 7,000 San Joseño na ang nakatanggap ng unang 10 kilo ng bigas para sa unang cycle ng programa.

Maaaring malaking bagay ito sa bawat pamilyang benepisyaryo, lalo na sa panahong kailangang unahin ang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Hindi rin maikakaila ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pambansang pamahalaan at lokal na pamahalaan upang maihatid ang tulong sa mamamayan.

Kabilang sa mga katuwang sa programa ang Office of the President (OP), Department of Budget and Management (DBM), Department of the Interior and Local Government (DILG), Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at kinauukulang mga tanggapan ng lungsod.

Sa ganitong mga programa, mahalaga ang maayos na koordinasyon at mabilis na pagkilos upang makarating sa mga residente ang tulong na inilaan para sa kanila.

Responsibilidad ng pamahalaan na tiyaking maayos ang pamamahagi at nakikinabang ang mga pamilyang tunay na nangangailangan.

Sa pamumuno ni Mayor Rida Robes, inaasahang magpapatuloy ang programa sa ikalawa at ikatlong cycle nito sa mga susunod na buwan.

Aba’y mahalaga ang pagpapatuloy nito upang mas maraming benepisyaryo ang makinabang sa tulong na inilaan para sa lungsod.

Masasabi nga na ang tunay na sukatan ng mahusay na pamumuno ay hindi lamang ang dami ng mga programang inilulunsad, kundi ang positibong epekto ng mga ito sa buhay ng mga tao.

Para sa mga pamilyang San Joseño, ang sampung kilong bigas ay hindi lamang ayuda—isa rin itong dagdag na suporta sa hapag-kainan at sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

 

67

Related posts

Leave a Comment