BUTUAN CITY — Hinikayat ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga Pilipino mula sa iba’t ibang sektor na aktibong makibahagi sa proseso ng paggawa ng batas, kasabay ng pagdadala ng Kamara de Representantes ng programang LegisHear sa Mindanao.
Sa video message na ipinalabas sa pagbubukas ng LegisHear sa Butuan City nitong Biyernes, sinabi ni Dy na ang pinakamahuhusay na batas ay hindi lamang binubuo ng mga mambabatas kundi ng mamamayang kanilang pinaglilingkuran.
Aniya, layunin ng LegisHear na ilapit ang Kongreso sa publiko sa pamamagitan ng pakikinig sa kanilang mga pananaw at pag-alam sa tunay nilang kalagayan.
“Mga kababayan, naniniwala po tayo na ang bawat makabuluhang batas ay nagsisimula sa isang importanteng tinig—ang tinig ng sambayanang Pilipino,” ani Dy.
“Ito po ang layunin ng LegisHear. Nais po naming ilapit ang Kongreso sa ating mga kababayan. Amin pong bibisitahin ang iba’t ibang panig ng bansa upang makinig, makipag-usap, at mapulsuhan ang tunay na kalagayan ng ating mga kababayan,” dagdag niya.
Ayon sa Speaker, bahagi ang programa ng pagsisikap ng Kamara na makabuo ng mas bukas, mas inklusibo at mas nakasentro sa mamamayang Kongreso sa ilalim ng adbokasiya ng “Bagong Kongreso.”
Matapos ang paglulunsad ng LegisHear sa Isabela noong Hulyo 31, isinagawa sa Caraga State University sa Butuan City ang ikalawang yugto ng konsultasyon. Pinangunahan ito ni Butuan City Lone District Rep. Jose “Joboy” S. Aquino II.
Tatalakayin sa programa ang House Bill No. 4744 o ang panukalang Basic Education Voucher Assistance Act, at House Bill No. 8470 na naglalayong gawing Butuan General Hospital ang Butuan Medical Center.
Magkakaroon din ng oryentasyon kung paano nagiging batas ang isang panukalang batas, talakayan sa House Bill No. 9305 o panukalang KALINGA Bill, at mga focus group discussion upang makuha ang pananaw ng publiko hinggil sa mga frontline government services.
Sinabi ni Dy na bahagi ang LegisHear ng layunin ng Kamara na baguhin ang paraan ng pakikipag-ugnayan nito sa mamamayan.
“Ito po ang aming paraan ng pagbuo ng isang Bagong Kongreso—hindi lamang bagong pamunuan o mga bagong programa, kundi isang Kongresong may bagong pamantayan ng paglilingkod: mas bukas, may integridad, may malasakit, at naniniwalang ang pinakamahusay na mga batas ay nabubuo kasama ang mamamayan,” ani Dy.
Binigyang-diin din niya na hindi makakamit ng mga mambabatas lamang ang makabuluhang pagbabago.
“Alam po namin na hindi namin kayang makamit mag-isa ang pagbabagong ating inaasam. Kailangan namin ang inyong boses, ang inyong mga ideya, at ang inyong pakikilahok,” aniya.
Hinimok din niya ang publiko, mga lokal na pamahalaan, ahensya ng gobyerno, civil society organizations, akademya at iba pang sektor na makiisa sa LegisHear upang makatulong sa pagbuo ng mga batas na tumutugon sa pangangailangan ng bansa.
Tinapos ni Dy ang kanyang mensahe sa pagsasabing mahalaga ang bawat batas at mahalaga rin ang bawat mamamayan sa paghubog nito.
Samantala, sinabi ni House Secretary General Atty. Cheloy E. Velicaria-Garafil na layunin ng konsultasyon sa Butuan na matiyak na maririnig ang tinig ng mga karaniwang Pilipino bago umabot sa huling yugto ng proseso ng lehislasyon ang mga panukalang batas.
Ayon kay Velicaria-Garafil, pinili ang mga panukala sa edukasyon at kalusugan dahil sa direktang epekto ng mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga pamilya sa Caraga.
Dagdag pa niya, bahagi ang LegisHear ng patuloy na pagsisikap ng Kamara, sa pamumuno nina Speaker Dy at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, na palawakin ang pakikilahok ng mamamayan sa paggawa ng batas.
(TINA MENDOZA)
65 